MANILA, Philippines – KAAGAD na ipinag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa Presidential Security Command (PSC) na gumawa ng agaran at tamang aksiyon sa naging banta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ng First Couple na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Inamin ni Bersamin na sineseryoso nila ang mga pahayag ni VP Sara.
Inihayag ito ng Presidential Communications Office (PCO) makaraang sabihin ni VP Sara sa isang Zoom kaninang madaling araw na may inupahan siya na assassin para patayin ang First Couple at House Speaker Martin Romnualdez kung magtatagumpay ang plano umano na siya ay patayin.
Ayon sa PCO, inatasan na ni Bersamin ang PSC, dating Presidential Security Group (PSG), na tugunan ang naturang usapin.
“Acting on the Vice President’s clear and unequivocal statement that she had contracted an assassin to kill the President if an alleged plot against her succeeds, the Executive Secretary has referred this active threat to the Presidential Security Command for immediate proper action,” ayon sa PCO.
“Any threat to the life of the President must always be taken seriously, more so that this threat has been publicly revealed in clear and certain terms,” ang sinabi pa rin ng PCO.
Nauna rito, sa online press conference kagabi, sinabi ni Duterte na gusto umano siyang ipapatay ni Romualdez.
Ayon kay VP Sara, alam na niya ang karakter ng isang tao. Kris Jose