MANILA, Philippines – Kasunod ng sunod-sunod na bagyo sa bansa, ang Department of Health ay muling nagpaalala sa publiko na linisin ang mga lugar na naiipunan ng tubig at patuloy na kumonsulta nang maaga kapag may sintomas ng Dengue, lalo na sa mga rehiyong apektado ng mga bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito.
Ayon sa DOH, maaring dumami pa ang pinamumugaran ng lamok na may dalang dengue.
Sa datos ng Nobyembre 16, 2024, ipinapakita na pababa ang bilang ng mga bagong kaso ng dengue. Nasa 17,033 na kaso ang naitala mula Oktubre 20 hanggang Nobyembre 2, 2024 na 17% na mas mababa, kumpara sa 20,498 na kaso mula Oktubre 6 hanggang Oktubre 19, 2024.
Sa nakaraang anim na linggo, walang naiulat na pagtaas sa mga bagong kaso ng Dengue sa mga rehiyon, ayon sa DOH.
Sa kabila nito, tuloy-tuloy ang pagkalap ng datos at kinokonsiderang may mga karagdagan pa sa mga darating na linggo. Tinitignan din ang mga datos na konektado sa mga epekto ng bagyo na maaaring hindi pa naitala.
Ayon pa sa DOH, nasa 340,860 na kaso ng Dengue ang naitala sa simula ng taong 2024 hanggang Nobyembre 16, 2024. Mas mataas ito ng 81% kumpara sa 188,574 na kaso na naiulat sa parehong panahon noong 2023.
May kabuuang 881 ang namatay, na may Case Fatality Rate (CFR) na 0.26% kumpara sa CFR na 0.34% noong 2023. Ang patuloy na mas mababang CFR sa kabila ng mas maraming bagong kaso ngayong taon ay dulot ng mas maagap na screening, testing, at tamang gamutan.
Ang Dengue ay sanhi ng virus na dala ng lamok. Ito ay karaniwan sa mga bansang may tropikal na klima tulad ng Pilipinas. Karamihan sa mga kaso ng Dengue ay walang sintomas.
Ang iba naman ay karaniwan may mataas na lagnat (40 C), matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagduduwal, at pagkakaroon ng mga pantal. Maaaring mayroon ding pananakit sa likod ng mga mata, pagsusuka, at mga namamagang kulani.
Nagsisimula ang mga sintomas 4-10 araw pagkatapos makagat ng lamok, at maaaring tumagal ng 2-7 araw. Karamihan sa sintomas ay mawawala sa loob ng 1-2 linggo.
Ang mga indibidwal naman na nakakaranas ng malalng sintomas ay dinadala sa ospital tulad ng matinding pananakit ng tiyan, patuloy na pagsusuka, mabilis na paghinga, pagdurugo ng gilagid at ilong, pagkapagod, pagkabalisa, dugo sa pagsusuka o dumi, matinding pagkauhaw, maputla at malamig na balat, at panghihina.
Sinabi ng DOH na wala pang gamot sa sakit na dengue at ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang Dengue ay ang pag-iwas sa kagat ng lamok, lalo na sa araw.
“Hanapin at tuyuin ang mga napag-ipunan ng tubig mula sa mga nagdaang bagyo. Takpan ang balat ng maayos na damit, at gumamit ng insect repellant. Kumonsulta sa pinakamalapit na klinika o health center kung may sintomas na ng Dengue. Ang lahat ng mga LGU, barangay, at pamilya ay dapat na aktibo sa pagpapanatiling ligtas sa Dengue ang ating mga komunidad,” ani Secretary Teodoro J. Herbosa. Jocelyn Tabangcura-Domemden