MANILA, Philippines – Binangga ng barko ng Chinese maritime militia ang bangka ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa bisinidad ng Pag-asa Island.
Sa pahayag, sinabi ng BFAR na ang BRP Datu Cabaylo at BRP Datu Sanday ay nagsasagawa ng routine maritime patrol nasa five nautical miles ang layo mula sa Pag-asa Island noong Biyernes, Oktubre 11 nang magsagawa ng “dangerous maneuvers” ang barko ng CCM sa paligid ng Datu Cabaylo at sinubukan itong harangin.
Makikita sa video na kuha ng tauhan ng BFAR na dumating ang barko ng China sa gilid ng Datu Cabaylo at giniliran ito.
“These dangerous maneuvers caused the sideswiping and collision with the BFAR vessel, which sustained minor dents in its starboard bow,” anang BFAR.
Sa kabila ng insidente, nakumpleto pa rin ng mga barko ng BFAR ang kanilang maritime patrol at ligtas na nakadaong sa Pag-asa Sheltered Port.
“We commend the officers and crew of the BRP Datu Cabaylo (MMOV 3001) as they continue to perform their duty, in line with the mandate of BFAR, to uphold Philippine jurisdiction and rights over its territorial waters and exclusive economic zone,” ayon sa BFAR.
Noong nakaraang linggo, binomba naman ng water cannon ang dalawang barko ng BFAR ng barko ng China kasabay ng resupply mission sa bisinidad ng Bajo de Masinloc.
Sa kabila ng insidente, nakumpleto rin ng mga barko ng BFAR ang kanilang misyon at pagsusuplay sa pitong mother boats at 16 maliliit na fishing boats ng Pilipinas. RNT/JGC