MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Enero 25 na ang China Coast Guard at People’s Liberation Army-Navy (PLAN) na hinaras ang mga sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na papunta sa Sandy Cay sa West Philippine Sea.
Nangyari ang insidente nitong Biyernes, ayon sa PCG.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na hinarass ng puwersa ng China ang barko ng BFAR na BRP Datu Pagbuaya at BRP Datu Bankaw habang patungong Sandy Cay para sa marine scientific survey at sand sampling.
Sa nasabing misyon, sinabi ng PCG na nakatagpo ng barko ng BFAR ang agresibong maniobra mula sa tatlong barko ng CCG 4106, 5103 at 4202 na nagpakita ng tahasang pagwawalang bahala sa Convention on the International Regulations for Preventing Collission at Sea 1972 (COLREGs).
Sa kabila nito, nagawa ng BFAR crew na umiwas sa anumang potensyal na aksidente sa panahon ng mapanganib na komprontasyon.
Nagdeploy din ang CCG ng apat na maliliit na sasakyang pandagat upang iharass ang dalawang rigid hull inflatable boats (RHIBs) ng BFAR na magdadala sa mga tauhan sa Sandy Cay.
Dahil sa insidente, walang nagawa ang BFAR at PCG kundi suspindihin ang survey operations.
Ayon sa PCG, nananatiling nakatuon ang BFAR at PCG sa kanilang mga mandato at gagawin ang lahat ng kinakailangang pag-iingat upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan at sasakyang-dagat sa pagtugis ng siyentipikong pananaliksik at resource maangement. Jocelyn Tabangcura-Domenden