MANILA, Philippines- Nanatiling nasa baybayin ng Zambales ang Coast Guard patrol ship na BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) upang bantayan ang Chinese Coast Guard vessel 3304, na nagsasagawa ng ilegal na pagpapatrolya sa karagatan ng Pilipinas, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Sabado.
Noong Huwebes, Enero 9, nakita at hinamon ng mga awtoridad ang ilang barkong Tsino na naglalayag ng humigit-kumulang 70 hanggang 80 nautical miles kanluran ng Capones, Zambales.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, na nilinaw ng BRP Teresa Magbanua sa pamamagitan ng radio challenge na walang legal na awtoridad ang mga sasakyang pandagat ng China na magpatrolya sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Mula Miyerkules hanggang Huwebes, nasubaybayan ng PCG ang CCG 3103 at 3304 sa baybayin ng Zambales.
Sinabi ng Coast Guard na ito ay isang pagtatangka sa “normalization at legitimacy” ng pag-deploy ng mga Chinese sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon pa sa PCG, ang patuloy na deployment ng BRP Teresa Magbanua, ang pinakamalaking sasakyang-dagat nito, ay bahagi ng patakaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pigilan ang normalisasyon ng mga ilegal na aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Tarriela na ang pagpayag sa mga barkong Tsino na hindi hamunin ay “maaaring humantong sa paggigiit ng kontrol sa mga katubigang ito.”
Ang pagpapadala rin ng barko ng Pilipinas ay upang masiguro na makagagawa ang mga mangingisda ng kanilang aktibidad nang walang banta ng pangha-haras o pananakot. Jocelyn Tabangcura-Domenden