BOHOL– Mahigit P13.7 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang suspek matapos ang buy-bust operation, iniulat kahapon sa bayan ng Dauis.
Kinilala ni Police Lt. Col. Joemar Pomarejos, hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU) Bohol Police Provincial Office, ang nadakip na suspek na si Jessie Baginang, 26, ng Barangay La Paz, Cortes, Bohol.
Batay sa report ng pulisya, madaling araw ng Enero 10, 2025 nang madakip ang suspek sa Barangay Dao, Dauis, Bohol.
Nakuha sa suspek ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na aabot sa P13,736,000.
Sinabi ni Pomarejos na itinuro si Baginang ng isa sa mga suspek na nahuli nila noong Hulyo 20, 2024 na siyang nagsu-suplay umano ng shabu sa karatig-lugar ng nabanggit na probinsya.
Binigyan naman ng pagkilala ng Police Regional Office-Central Visayas ang matagumpay na operasyon kontra-droga ng PIU. Mary Anne Sapico