SULTAN KUDARAT- Sabog ang bungo ng isang barangay health worker at mister nito matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga suspek, iniulat kahapon sa bayan ng Kalamansig.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marilou Rondon, 60, barangay health worker at mister nitong si Nestor Rondon, 67, kapwa residente ng Purok Pag-asa, Barangay Sangay, ng naturang bayan.
Kinilala naman ni Police Maj. Rodney Binoya, hepe ng Kalamansig-MPS, ang mga nadakip na suspek na sina Sherwin Bation Salgan, 21-anyos, at Mohalidin Bito Nanding, 28.
Batay sa report ng pulisya, bandang alas-5:45 ng hapon nang maganap ang krimen sa Purok Tambis, Barangay Sta. Clara, ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mag-asawa ng motorsiklo makaraaang tambangan ng mga suspek at pinagbabaril sa ulo na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan saka tumakas ang mga suspek.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa krimen, nakapulot sila ng mga basyo ng .45 kalibre na baril.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Kalamansig MPS at 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek noong madaling-araw ng Enero 10, 2025 sa Barangay Sangay ng nabanggit na bayan.
Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45 na baril (Norinco 1911 A1) na may lamang magazine at anim na bala; kalibre 9mm na baril (Daewoo DP51 PARA) na may lamang magazine at 11 bala; granada; Tecno Spark cellphone at itim na motorsiklo (RUSI MACHO TC 125) na may sidecar at walang plaka.
Nahaharap ngayon sa mga kasong dalawang bilang ng pagpatay at paglabag sa RA 10591 at RA 9516 ang suspek.
Paniniwala ng mga awtoridad, dating alitan ang motibo sa krimen. Mary Anne Sapico