BACOLOD CITY- Aabot sa P15 bilyon ang kakailanganin ng evacuees ng Kanlaon Volcano kapag umakyat ito sa alert level 4.
Ayon sa Office of Civil Defense-Western Visayas projects, posibleng aabot sa P15.3 bilyon ang ilalaan para sa evacuees kapag umakyat sa alert level 4 ang Kanlaon Volcano.
Sinabi ni OCD-Western Visayas Regional Director Raul Fernandez, ang naturang halaga ay ilalaan bilang pambayad para sa pagkain at iba pang pangangailangan gaya ng tubig na aabot sa halagang P606,599,482; P189,428,931; facilities, P507,066,638, at cash assistance, P14,008,294,650 sa loob lamang ng 30-araw base sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“That’s how big we need,” at ipinaalam na rin umano ito sa national level, sabi pa ni Fernandez, chairman ng Regional Inter-Agency Coordinating Cell (RIACC).
Aniya, sa ilalim ng Alert Level 4, ang OCD projects ay humigit-kumulang 89,600 pamilya na kinabibilangan ng 124,000 katao mula sa 7 hanggang 10-kilometer radius sa palibot ng Kanlaon Volcano na kailangan lumikas.
Nananatiling nasa Alert Level 3 o pagtaas ng pag-aalburuto ng Kanlaon.
Sinabi ni Fernandez na 13,900 katao ang naapektuhan ng pagsabog noong Disyembre 9, 2024, mas mababa sa kanilang inaasahang pagtatantya na 18,000 indibidwal o 4,900 pamilya sa lima hanggang anim na kilometrong radius.
Inihayag ni Fernandez na nandoon pa rin ang banta ng posibleng pagsabog at kung itataas ang alert level sa lima, lalawak ang danger zone sa 14 kilometro.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan na maging mapagbantay at sumunod sa mga protocol para sa kaligtasan.
“Hangga’t gusto nating bumalik sa normal na sitwasyon, hindi tayo maaaring maging kampante dahil ang buhay ay nasa panganib,” ani Fernandez.
Samantala, plano naman ni Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson na makipagkita kay Fernandez para pag-usapan tungkol sa Kanlaon at evacuees. Mary Anne Sapico