MANILA, Philippines — Nanatiling suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdaraos ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections subalit hindi niya papayagang lalabag sa umiiral na batas.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, ginagalang ng Pangulo ang assessment ng Commission on Elections (Comelec) sa pangangailangan na ipagpaliban ang halalan dahil sa legal at operasyonal na mga alalahanin.
“Napakita po kasi ng Comelec kung ano ang maaaring naging dahilan kung bakit kailangan ma-postpone—operational issues and legal issues,” sabi ni Castro. Idinagdag niya na tinukoy ng Comelec ang kakulangan sa oras ng paghahanda at mga nakabinbing dokumento na dapat makumpleto bago ang halalan.
Binigyang-diin ni Castro na habang matibay ang suporta ng Pangulo na idaos ang halalan, prayoridad pa rin ang pagsunod sa batas. “Gustong-gusto po talaga ng Pangulo na matuloy ang election, pero kung may time constraints at hindi ito maipapatupad dahil makakalabag sa batas, hindi naman po nanaisin ng Pangulo na ituloy ang election,” ani niya.
Inaprubahan ng Comelec en banc ang pagpapaliban matapos irekomenda ng executive director, law department, at Bangsamoro study group na hindi maisasagawa ang halalan sa Marso 30, 2026. Ang bagong batas sa redistricting na nilagdaan ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ay hindi maaaring ipatupad sa loob ng ipinagbabawal na 120-araw na period ayon sa election law, kaya kinakailangan ng Kongreso na magpasa ng batas para tukuyin ang bagong petsa ng halalan.
Nanatili ring ipinatupad ang mga probisyon ng election period, kabilang ang gun ban, kasunod ng pagpapaliban. Noong Oktubre 2025, inutos din ng Korte Suprema ang pagpapaliban ng halalan dahil sa pagka-unconstitutional ng dalawang districting laws (BAAs 58 at 77). Kris Jose