Home OPINION ‘BASTONERO’ KAILANGAN NI PBBM

‘BASTONERO’ KAILANGAN NI PBBM

UPANG maipatupad nang maayos ang mga proyekto sa natitira pang panahon ng panunungkulan bilang punong ehekutibo, kailangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang isang “bastonero”, ayon sa nagbabalik senador na si Panfilo “Ping” Lacson.

Para sa inyong Juan De Sabog may katwiran si senator-elect Lacson sapagkat ang bastonerong itatalaga ni Pangulong Marcos ang titiyak na magiging maayos ang kanyang palakad sa pamahalaan o sa madaling salita ang bastonero ang titiyak na magkakaroon ng good governance ang Marcos administration.

Nakita tiyak ni Lacson na medyo nadala si PBBM sa mga bumubulong sa kanya o sumusulsol sa kanya na gawin niya ang ilang bagay na sablay at hindi para sa kapakinabangan ng bansa subalit ng sariling interes ng mga tumatayong adviser niya.

Noong nagdaang mga panahon, tila hindi si Pangulong Bongbong ang sinusunod ng ilang mga halal na opisyal at maging ng kanyang mga talagang opisyal ng pamahalaan kaya naman sana sa natitirang tatlong taon ay ipakita niya na siya pa rin ang dapat masunod at siya ang halal ng bayan, hindi ang sinoman na kumukumpas para sa mga gagawin sa bansa.

Ang dapat kuning bastonero ni PBBM ay isang politiko na kayang pasunurin ang mga opisyal ng pamahalaan subalit ang hangarin ay para sa ikabubuti ng sambayanan at Inang Bayan at hindi iyong politiko na kaya ginagamit si Pangulong Marcos ay dahil sa ambisyon na maging puno rin ng bansa.

Hindi pwedeng ang mauupong bastonero ay abusado sapagkat baka lalong malugmok sa kahirapan ang bansa. Ang karapat-dapat na bastonero ay iyong maganda ang hangarin para sa bayan at hindi iyong ang paglalaman lang sa bulsa ang alam. Sana nga ay kumilos na si Pangulong Marcos habang may panahon pa.

Nawa’y magkaroon siya ng tamang isipan at balanseng pangangatawan upang maisakatuparan ang mga proyekto at programa ng pamahalaan na kailangan upang maging maayos at umangat ang ekonomiya ng bansa.

Okay ba kayo na si Juan De Sabog ang kunin ni PBBM na bastonero? Huwag na kayong umiling. Kahit ang inyong lingkod, batid ang sariling kakayahan.