MANILA, Philippines – Personal na nag-inspeksyon sa Batangas Port sina DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez at PPA General Manager Jay Santiago ngayong Lunes upang tiyakin ang kahandaan ng mga pantalan sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas 2025.
Ayon kay GM Santiago, layon ng ahensya sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos Undas 2025 na matiyak ang ligtas, maayos, at maginhawang biyahe ng mga pasahero.
Tinatayang 2.2 milyong pasahero ang dadaan sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5, mas mataas kumpara sa 1.9 milyon noong nakaraang taon.
Upang masiguro ang maayos at smooth sailing, naka-full deployment ang mga kawani, sinuspinde ang mga bakasyon o leave, at pinalakas ang koordinasyon sa Coast Guard at PNP Maritime Group para sa seguridad.
Pinaalalahanan din ng PPA ang publiko na dumating nang maaga sa pantalan, iwasan ang mga ipinagbabawal na gamit, at bumili lamang ng tiket sa mga lehitimong outlet upang maiwasan ang panloloko. Jocelyn Tabangcura-Domenden