Home HOME BANNER STORY Batas sa tama at agarang pagpapalibing sa mga labi ng Muslim tinintahan...

Batas sa tama at agarang pagpapalibing sa mga labi ng Muslim tinintahan ni PBBM

MANILA, Philippines — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12160, isang bagong batas na naglalayong tiyakin ang maayos, maagap, at makataong pagpapalibing sa mga pumanaw na Muslim, alinsunod sa Islamic rites.

Ang batas, na nilagdaan noong Abril 11, 2025, ay nag-aatas na ang mga labi ng Muslim ay dapat mailibing sa lalong madaling panahon, kahit wala pang death certificate sa oras ng libing, upang igalang ang paniniwalang Islam na ang libing ay isinasagawa bago ang susunod na tawag sa panalangin.

“It is the policy of the State to recognize and respect the right of Filipino Muslims to bury their dead, in accordance with their religious customs and beliefs,” ayon sa nasabing batas.

Kasama sa probisyon ng batas ang agarang pagpapalaya ng bangkay sa loob ng 24 oras mula sa mga ospital, klinika, punerarya, morgue, kulungan, o iba pang may kustodiya ng labi. Ang katawan ay dapat balutin sa puting tela at ilagay sa isang airtight at leak-proof na cadaver bag o kahong kahoy, at selyuhan ng tape o benda.

Ang sinumang kamag-anak o taong nagsagawa ng burial rites ay inaatasang i-report ang pagkamatay sa loob ng 14 na araw matapos ang libing sa lokal na health officer na siyang maghahanda at magpapatunay ng death certificate. Sa kawalan ng health officer, maaaring ang mayor ang maghanda ng dokumento, maliban na lamang kung may forensic interest ang law enforcement sa katawan ng yumao.

Ang death certificate ay kailangang mairehistro sa Local Civil Registrar 30 araw matapos itong maihanda at mapirmahan.

Ipinagbabawal ng batas ang pag-antala sa pagpapalabas ng bangkay dahil lamang sa hindi nabayarang bayarin tulad ng hospital bills, professional fees, o wrapping costs. Pinapahintulutan ang promissory note o kasunduang bayaran sa ibang paraan, ayon sa napagkasunduan ng magkabilang panig.

Ang sinumang tao o institusyong lalabag sa RA 12160 ay mahaharap sa pagkakakulong ng hanggang 6 na buwan o multa na hanggang ₱100,000. Kapag institusyon ang lumabag, ang mga opisyal o kinatawan ang mananagot.

Inatasan ang Department of Health (DOH) at ang National Commission for Muslim Filipinos (NCMF) na bumuo at ipalabas ang mga implementing rules and regulations (IRR) upang masigurong maayos ang pagpapatupad ng bagong batas. Kris Jose