Manila, Philippines — Iniutos ni Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan na ibaba sa half-mast ang lahat ng watawat ng Pilipinas at ng Lungsod ng Maynila bilang pagbibigay-pugay at pagkilala sa yumaong National Artist na si Nora Aunor.
Ang direktiba ay umiiral hanggang Abril 22, 2025, kasabay ng nakatakdang paglilibing ni Aunor sa Libingan ng mga Bayani, kung saan isasagawa rin ang State Funeral honors sa Metropolitan Theater, malapit sa Manila City Hall.
Ang kautusan ay naaayon sa mga umiiral na batas at alituntunin, kabilang ang Local Government Code of 1991, Charter of the City of Manila, Honors Code of the Philippines, at Flag and Heraldic Code.
“Nora Aunor is a national treasure. She literally dreamed and lived the impossible dream, fighting unbeatable foes. She demonstrated that a woman and a Filipina can achieve greatness while remaining humble,” ani Mayor Lacuna sa kanyang opisyal na pahayag.
“Nora Aunor is a heroine among our national artists. May future generations of Filipinos remember her, watch her films, and sing her songs for decades to come,” dagdag pa ng alkalde.
Si Aunor, na kinikilala bilang isa sa pinakadakilang artista sa kasaysayan ng Pilipinas, ay pumanaw noong Abril 16, 2025 sa edad na 71. JR Reyes