MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na titiyakin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabibigyan ng proteksyon si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa alinsunod sa batas kasunod ng kumpirmasyon ng International Criminal Court (ICC) na nagpalabas na ito ng arrest warrant laban sa senador.
“Maski ang mga [extrajudicial] victims ay humihingi ng proteksyon… Ang akusado katulad ni Sen. Bato ay bibigyan ng proteksyon na naaayon sa batas,” Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nauna rito, napaulat na naglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Bato.
Sa katunayan, Personal na iniharap ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa Senado ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) na inisyu laban kay Sen. Bato dela Rosa.
Nagtungo si Trillanes sa Senado nitong Lunes kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) upang gawin ang pag-aresto kay dela Rosa.
Kinumpirma rin ni Trillanes na hawak ng NBI ang arrest warrant ni dela Rosa na biglang nagpakita sa Senado kahapon at kasama sa mga senador na nagpatalsik sa puwesto kay dating Senate president Vicente “Tito” Sotto III.
Sa kabilang dako, base sa ulat, nasa bansa na rin ang International Police o Interpol para makipag-ugnayan sa mga otoridad sa bansa para maaresto ang senador.
Ikinokonsidera naman ng source mula sa The Hague na pamilyar sa nasabing kaso na ito ay “serious and imminent” sa gitna ng importasyon na nais ng ICC na madala roon si Dela Rosa bago magsimula ang pormal na trial ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong huling bahagi ng buwan.
“According to information circulating here, the warrant is real and has already been released,” sinabi ng source.
Si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at malapit na kaalyado ng Duterte administration dahil sa anti-drug campaign ay kasama sa iniimbestigahan dahil sa kasong crimes against humanity ng dating Pangulo. KRIS JOSE