INIULAT ng Philippine National Police Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang pag-aresto sa isang 32-anyos na lalaking suspek na nagbanta na magpapakalat ng mga tahasang larawan ng isang babaeng katrabaho sa Camarines Sur.
Sinabi ni PNP-ACG director Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga na naglagay ang suspek ng hidden camera sa loob ng restroom ng kanilang opisina.
“Ayon sa biktima, nakipag-ugnayan sa kanya ang suspek sa Telegram, na sinasabing may mga hubad na larawan at video niya. He sent a photo with the message,” ayon sa report ni Cariaga.
Nabatid sa biktima, paulit-ulit na hina-haras at pinagbantaan siya ng suspek at humingi pa ng mga hubo’t hubad na video.
Iginiit din niyang makipagkita sa kanya sa isang hotel kapalit ng pagtanggal ng mga tahasang materyales.
“Ang mga aksyon na ito ay nagdulot ng matinding pagkabalisa at mga gabing walang tulog sa biktima, na nag-udyok sa kanya na iulat ang insidente sa Regional Anti-Cybercrime Unit 5,” sabi ni Cariaga.
Kaugnay nito isang entrapment operation ang isinagawa sa isang apartelle sa Iriga City noong Setyembre 10 na humantong sa pagkakaaresto sa suspek.
Ayon sa pulisya nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 286 (Grave Coercion) ng Revised Penal Code, Republic Act (RA) 9995 (Anti Photo & Video Voyeurism Act), at Section 12 ng RA 11313 (Safe Spaces Act), kapwa may kaugnayan sa Seksyon 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act).
“Kung may kakilala kang naapektuhan, o kung nakakaranas ka ng online na pang-aabuso o panliligalig, huwag mag-atubiling iulat ito sa pinakamalapit na tanggapan ng PNP-ACG para sa agarang tulong. Kami ay magagamit 24/7 upang suportahan at protektahan ka,” sabi ni Cariaga. (Santi Celario)