Home OPINION ‘BENTENG BIGAS’ PARA SA MINIMUM WAGE EARNERS INILUNSAD NG DOLE, DA

‘BENTENG BIGAS’ PARA SA MINIMUM WAGE EARNERS INILUNSAD NG DOLE, DA

NOONG ika-13 ng Hunyo 2025, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at nang Department of Agriculture (DA) ang nationwide rollout ng “Benteng Bigas Me­ron (BBM) na para sa Minimum Wage Earners” program.

Mayroong 16,126 minimum wage earners mula sa 100 establisimyento sa buong bansa ang nakinabang sa programa.

Pinangunahan nina DOLE Offi­­cer-in-Charge Benjo Santos M. Benavidez at kalihim Francisco Tiu Laurel Jr. ng Department of Agriculture (DA) ng opisyal na paglulunsad sa Manila Harbour Center sa Tondo, Maynila, kung saan 800 rank-and-file port wor­kers ang tumanggap ng tig- limang kilo ng bigas na nagkakahalaga lamang ng P20 kada kilo.

Ang inisyatiba ng “Benteng Bigas Meron Na” ay bahagi sa gawing mas malawak ang pa­ngako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas abot-kaya ang mga pangunahing bilihin. Orihinal na layunin para sa mahinang sectors tulad ng senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at 4Ps beneficiaries, ang prog­rama ay pinalawig na ngayon kung saan isinama na ang minimum wage earners.

“Ang atin pong Pangulo ay may mensahe para sa mamamayang Pilipino. Mensahe na la­gi po nating isaalang-alang ang kapakanan at kagalingan ng manggagawang Pilipino, at kayo po iyon. Mensahe na po­sible ang bente pesos na bigas.

Hindi lamang po ito pangakong napapako. Ito po ay isang ganap na katuparan,” sinabi ni Officer-in-Charge Benavidez sa kanyang mensahe, na idiniin ang pangako na maghatid ng abot-kayang bigas sa pamilyang Pilipino.

Si Fernan C. Nerida, Presidente ng Manila Harbour Center Port Services Inc. Labor Union, ay nagpahayag ng kanyang ma­tinding pasasalamat sa DOLE at sa DA, at binibigyang-diin si­nabing ang inisyatiba ay ang pa­ngako ng gobyerno sa pagpapabuti ng buhay ng mga manggagawa.

“Ang bawat sako ng bigas na ating matatanggap ngayon ay simbolo ng pagpupunyagi na bunga ng ating sama-samang pagkilos. Makatutulong ito sa ating mga pamilya, lalong-lalo na sa panahon ngayon. Sa ating mga bisita mula sa DOLE, DA maraming maraming salamat po muli sa inyong pagsuporta sa amin. Ang inyong presensya ay patunay na ang pamahalaan ay kaakibat ng manggagawa sa kanilang hanapbuhay. Ang in­yong programa at adbokasiya ay malaking tulong para masi­guro ang kapakanan ng bawat Pilipinong manggagawa,” dagdag pa ni Nerida.

Binigyang-diin din ni Officer- in-Charge Benavidez ang kaha­lagahan ng pagtutulungan ng management at labor sa pag­papanatili at pagpapalaki ng programa upang matiyak ang mas malawak na pag-access at mahusay na pamamahagi ng subsidiya bigas.

Ang pilot ng pagpapatupad ay magsisilbing isang mahala­gang karanasan sa pag-aaral upang mapabuti ang serbisyo sa susunod na pamamahagi, ayon sa DOLE officer-in-charge.

Binigyang-diin ni DA Secretary Laurel Jr. na ang inisyatiba ay umaayon sa direktiba ni Pa­ngulong Marcos Jr. na pagaanin ang pang-araw-araw na pinansiyal na pasanin ng mga manggagawang Pilipino. Ibinahagi r­in niya ang pananaw ng departamento na palawakin pa ang prog­rama upang makinabang ang mil­yon-milyong Pilipino sa 2028.