
DOBLE kayod pala ngayon itong civilian na si alyas “Rusty”, hindi para ipakita ang kanyang kasipagan, kundi upang lumaki ang koleksyon niya sa sidewalk vendors sa Quiapo.
Ibinuking ng mga kinokotongang vendor na nakapundar na raw ng bagong sasakyan si Rusty dahil sa mga salaping kanyang naibulsa mula sa koleksyon ng “tong” gamit ang pangalan ng amo niyang opisyal.
Pero, nangangamba ito, ayon naman sa vendor na si Aling Cariñosa, dahil hulugan ang sasakyan na posibleng “mahila” kapag tapos na ang kanyang “career” bilang kolektor kapag naupo na si Yorme Isko Moreno kaya naman ngayon ay doble kayod ito upang mabayaran ang kabuuan ng bagong sasakyan.
Sa maghapon, makakailang ikot itong si Rusty kaya naman dagsa ang perang sumasapit sa kanyang kamay, sa ngayon. May nagbibigay ng P10 at bente sa maghapon habang may lingguhang P300.00 depende sa klase ng paninda at oras ng latag. Paglaki ng pwesto, paglaki ng tongpats.
Pero bukod kay Rusty, andyan din sina alyas “Randel” at alyas “Patrick” na pakawala naman ng isang grupo ng mga pulis. Salot din ang mga ito sa vendors.
Itong mga unang nabanggit ang “Mga Berdugo ng Quiapo” habang ito namang sina alyas “Alfie” at alyas “Negro” ang “Mga Halimaw ng Rizal Avenue at C.M. Recto” samantalang sina alyas “Richard”, “Nuno” at “Ian” ang “Mga Buwitre ng Carriedo”. Lahat sila mga salot sa mga vendor na malalakas naman ang loob na pumagitna sa bangketa at lansangan dahil may “latag” sila sa mga “BOSS”.
Pero iba raw talaga ang kamandag ni alyas Rusty dahil pati mga kariton ng fishball, tricycle at jeepney drivers pasok sa kanya at naglatag pa ng boundary ng kokolektahan mula Paco, Pedro Gil, Blumentritt, Quiapo, Plaza Miranda, at Divisoria.
Hiling ng mga kinokotongan na makialam na si Philippine National Police chief PGen. Nicolas Torre III at ipaaresto ang mga sibilyan na ito gayundin ang kanilang amo. (Bakit kay C,PNP kaagad? Hindi ba pwedeng kay National Capital Region Police Office director PMGen. Anthony Aberin muna? – Ed)
Eto ang matindi, ngayon pa lang ay ipinagmamalaki na ng grupo ni alyas Rusty na sila pa rin daw ang kolektor kapag umupo na si Yorme Isko kaya pinapanatag na raw niya ang loob ng illegal vendors para makapanatili pa rin sa pagtitinda sa mga lansangan. Abangan!