Umabot na maging sa himpapawid ang tensyon sa pagitan ng Maynila at Beijing sa pinagtatalunang West Philippine Sea matapos na mapanganib na bumuntot ang isang Chinese military helicopter malapit sa isang eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagpapatrol noong Sabado.
Nagawang lumipad ng BFAR aircraft sa ibabaw ng Bajo de Masinloc o Panatag Shoal sa kabila ng ilang babala sa radyo mula sa isang barkong pandigma ng Chinese Navy.
Ilang minuto lamang sa ibabaw ng shoal, isang Harbin Z-9 helicopter, isang uri ng sasakyang panghimpapawid na pinalipad ng hukbong pandagat at panghimpapawid ng China, ay nagsimulang humarurot malapit sa sasakyang panghimpapawid ng BFAR sa layo na itinuturing na mapanganib.
Ang nasabing aksyon na ito ang nag-udyok sa piloto ng BFAR na maglabas radio challenge sa mga Chinese air crew.
“Chinese military helicopter, you are violating flight air safety prescribed by the FAA and ICAO. You are flying too close to our position at less than 50 feet,” ayon sa mensahe ng Filipino pilot sa mga Tsino.
“You are endangering the safety of our crew and passengers. We are a Philippine government aircraft performing our mandate to fly and conduct maritime survey over Bajo de Masinloc or Scarborough Shoal within our Exclusive Economic Zone. Be wary of safety and distance your aircraft from our position,” dagdag pa ng piloto.
Sa halip na pakinggan ang babala, lumipad ang gray na Chinese helicopter palapit sa eroplano ng BFAR hanggang sa halos anim na metro.
Katulad ng mga sasakyang pandagat ng China, ang PLAN chopper ay nanatili malapit sa pasukan ng shoal, na nagpapahiwatig ng kontrol ng Beijing sa mga nabigasyong tubig at airspace ng lugar.
Nang malapit nang lumipad ang BFAR plane palayo sa Panatag Shoal, ang Chinese Navy guided missile destroyer na Hefei (174) ay namataan 25 nautical miles silangan ng isla. Ang barkong pandigma ay may helipad kung saan maaaring lumipad ang Z-9 helicopter. RNT