MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 42 Chinese national na hinihinalang ilegal na nagtatrabaho sa isang liblib na pasilidad sa Alabat Cove, Barangay Villa Norte, lalawigan ng Quezon.
Nabatid sa BI na isinagawa ang nasabing operasyon dakong alas-5:44 ng umaga noong Abril 9, sa bisa ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos makatanggap ng intelligence information mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police (PNP) sa presensya ng nasabing mga dayuhan.
Ang sinalakay na lugar, na tila nagsisilbing opisina at tirahan, ay mabilis na na-secure ng pinagsanib na pwersa mula sa BI Regional Intelligence Group Unit 4, PAOCC, PNP Regional Intelligence Division 4A, Regional Special Operations Unit 4A, Regional Drug Enforcement Unit 4A, Regional Mobile Force Battalion 4A, Tactical Support Command SWAT, at Alabat Municipal Police Station.
Iniulat ng mga awtoridad na nabigo ang mga dayuhan na magpakita ng mga valid passport o mga dokumento sa imigrasyon. Sa paunang pagtatanong, inamin nilang gumagawa sila ng isang construction project sa lugar.
Ang kanilang mga aktibidad, gayunpaman, ay napatunayang lumalabag sa mga batas sa imigrasyon, partikular sa pagiging undocumented at pagtatrabaho nang walang permit.
“Operating in the shadows is not an option in this country,” ani Viado. “These individuals had no legal right to work or even remain in the Philippines. Our message is clear: immigration laws must be followed, or consequences will follow,” dagdag pa ng opisyal.
Isasailalim sa paglilitis para sa kanilang deportasyon ang mga naarestong dayuhan dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon sa Pilipinas.
Nagbigay din ng matinding babala si Viado sa mga dayuhan at lokal na entity na nagbibigay-daan sa ilegal na trabaho. “Tinatanggap namin ang mga dayuhang bisita, ngunit ang sinumang umaabuso sa aming sistema ng imigrasyon – dayuhan man o employer – ay mahaharap sa mabilis at mapagpasyang aksyon,” sabi niya.
Kinumpirma naman ng BI na mas maraming joint operations ang isinasagawa nila sa buong bansa. JAY Reyes