MANILA, Philippines – NABABAHALA ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) hinggil sa tumataas na bilang ng mga Pilipinong umaalis sa Pilipinas para magtrabaho sa kahalintulad na kompanya ng “Philippine offshore gaming operators (POGO)” sa ibang mga bansa sa Asya.
Sa isang press briefing ng Palasyo, binanggit ni BI spokesperson Dana Sandoval na nasa 118 Filipino ang na-recruit para magtrabaho sa mga “scam hubs” na nagpapanggap bilang mga business process outsourcing (BPO) na kumpanya.
Sinabi ni Sandoval na pinupuntirya ng mga scam hub ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa BPO at POGO.
Giit ni Sandoval, nakikipagsapalaran umano ang mga narecruit na Pilipino sa uri ng kanilang trabaho dahil sa magandang alok kung saan kabilang na dito ang P50,000 buwanang suweldo at libreng tiket, tirahan, pagkain, at mga hygiene kit.
Sinabi ni Sandoval na ang BI ay tumatanggap ng intelligence information na ang recruitment ay ginagawa sa loob ng mga BPO kung saan idinagdag na ang unang alok ay magtrabaho bilang mga customer service representative.
Sinabi ni Sandoval na ang mga Pilipinong nagtatrabaho para sa regular na BPO ay masuwerte hindi tulad ng mga nagtatrabaho para sa mga scam hub na nabubugbog kapag hindi nila naabot ang regular na quota.
Idinagdag niya na mayroon ding “debt bondage” kung saan nangangailangan ng mga manggagawang Pilipino na magbayad ng release fee na nagkakahalaga sa pagitan ng P400,000 at P500,000 para sa halaga ng kanilang recruitment.
Sinabi niya na may mga recruiter na naaresto at sinampahan ng patung patong na kaso.
“Napakalaking bagay po nun sa atin kasi kahit mag-intercept tayo nang mag-intercept diyan sa paliparan buong taon, kung ang recruiter nila ay nandiyan pa rin nananatili, hindi titigil ang recruitment lalu’t lalo na, alam nating nage-expand pa itong POGO-like companies na ito sa iba’t ibang bansa,” ani Sandoval.
“That’s why lumalaki pa ang market. Kaya we’re thankful na nakakasuhan sila,” dagdag ng tagapagsalita.
Samantala, pinayuhan naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission director at spokesperson Winston Casio ang mga Pilipino na huwag agad mabighani sa mataas na suweldong trabaho na inaalok sa ibang bansa dahil malaki ang posibilidad na may katumbas itong panganib. Jay Reyes