Home HOME BANNER STORY BI officers, mga puganteng dayuhan inakusahan ng solon ng sabwatan; Bamban mayor...

BI officers, mga puganteng dayuhan inakusahan ng solon ng sabwatan; Bamban mayor idinawit sa sinalakay na POGO hub

MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian nitong Martes ang posibilidad na magkasabwat ang Immigration officers at mga puganteng dayuhan na nadakip sa pagsalakay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs kamakailan.

Sinabi ito ni Gatchalian, na nananawagan ng total ban ng POGOs sa Pilipinas, kasabay ng paglalahad niya na natukoy na pugante si Chang Chia Wei, isa sa 500 dayuhang nahuli sa pinakabagong raid sa isang POGO facility sa Bamban, Tarlac.

Ayon kay Gatchalian, nagsagawa ng beripikasyon sa Bureau of Immigration, kung saan lumabas sa biometrics ni Chang Chia Wei na isa siyang pugante sa Taiwan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang Taiwanese national at nakatakdang i-deport, dagdag ng senador.

“Paano nakakapasok sa Pilipinas ang mga wanted fugitive mula sa ibang bansa? Sadyang nalulusutan lang ba tayo o talagang pinapalusot natin, alin ang tama?” giit ni Gatchalian.

“Foreign POGO workers turning out to be fugitives in their respective countries have become a common occurrence in all the POGO raids we have seen in recent years. This indicates that they are part of organized criminal syndicates. It boggles the mind that the BI is unable to detect the entry of these fugitives, indicating that some of their personnel could be in cahoots with these fugitives,” dagdag niya.

Bukod sa pugante sa pinakabagong raid sa Tarlac, binanggit din ni Gatchalian ang nasa pitong puganteng dayuhan—apat na  Chinese nationals at tatlong Taiwanese nationals—na naaresto sa raid sa Las Piñas noong June 2023.

Inihayag din niya na 17 puganteng dayuhan ang natukoy sa raid sa Clark Special Economic Zone (CSEZ) noong May 2023.

Sinabi ni Gatchalian na katulad ang mga kasong ito ng ‘pastillas scam’ kung saan nakalulusot ang mga dayuhan sa immigration counters kapalit ng perang nakarolyo sa puting papel na tila pastillas.

Iginiit pa ng mambabatas na dapat ipatupad ng Immigration officers ang parehong mahigpit na proseso sa pagsala sa outbound Filipino passengers sa incoming foreigners “to prevent criminals from entering the country.”

Sa kasalukuyan ay wala pang tugon ang BI ukol dito.

Samantala, ikinasa naman ni Gatchalian ang Senate probe sa umano’y pagkakasangkot ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa sinalakay na POGO hub kamakailan sa natukoy na bayan.

Kinuwestiyon ni Gatchalian ang pagpalya ni Guo na mabuking ang kwestiyonableng operasyon ng Zun Yuan Technology Inc., na sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong buwan, sa bayang ito.

“Hindi kami direktang nakikipag-communicate sa kanila dahil dumadaan kami sa proper channels. Nag-file ako ng resolution para imbestigahan ito at kumukuha ako ngayon ng mga information para sa gagawin nating hearing,” wika ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means.

Bukod sa mga dokumentong naglalaman ng pangalan ng alkalde na nakumpiska sa raid, binanggit din ni Gatchalian na kabilang ang sasakyang nakarehistro sa pangalan ni Guo sa mga nasabat ng mga awtoridad.

“Sa mga nakuha naming information at nakuha naming mga dokumento, may kinalaman yung current mayor ng Bamban dito sa POGO,” ani Gatchalian.

Aniya, nangangasiwa umano ang alkalde ng business documents para sa POGO at nadiskubre rin umano ang electricity bill na nakapangalan sa kanya sa sinalakay na compound.

“Paano nangyari sa jurisdiction nya yan. Ako nag-mayor ako, malalaman mo talaga ang nangyayari sa city or municipality mo, may mata or tenga ka sa loob ng city mo. Alam mo ang nangyayari,” giit ni Gatchalian.

Gayundin, binanggit ni Gatchalian na mayroong lehitimong IDs ang mga dayuhan.

“So far ganyan din ang modus nila, nakakakuha sila ng local IDs. Ang problema kasi sa atin itong IDs hindi centralized, kanya-kanyang ahensya, kanya kanyang bigay kaya kung sino-sino binbigyan,” wika ni Gatchalian.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang opisina ni Guo ukol sa paratang ng senador. RNT/SA

Previous articlePinoy scientists sa Pag-asa Island ‘hinarass’ ng China aircraft – BFAR
Next articleKatrina, todo-pasalamat kay Baby Go!