MANILA, Philippines – INATASAN ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang lahat ng tauhan ng pantalan na ipagpaliban ang pagpapatupad ng 2023 Revised Guidelines on Departure Formalities.
Ang nasabing kautusan ay bunsod sa anunsiyo ng Department of Justice (DOJ) Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na sususpindihin nito ang mga alituntunin, na dapat ang implementasyon nito ay sa darating na Setyembre 3, sa gitna ng mga alalahaning ipinagbigay alam sa Senado.
Binigyang-diin ng BI na ang mga bagong alituntunin ay hindi nagpapataw ng mga karagdagang kinakailangan sa mga regular na umaalis na turista, at nilayon upang ikategorya ang mga papaalis na Pilipino at ilista ang mga kinakailangan sa dokumentaryo bago ang pag-alis.
“This does not curtail the right to travel, as the IACAT, through the BI, only ensures that departing Filipinos are properly documented based on their actual purpose of travel,” ani Tansingco.
Sinabi ng DOJ sa isang naunang pahayag ni Secretary of Justice Jesus Crispin “Boying” Remulla na kinakailangang suspindihin ang pagpapatupad upang lubusang linawin ang mga isyung nakapaligid sa binagong alituntunin sa mga senador at sa publiko.
Muling iginiit ng BI na ang mga regular na turista ay hindi nangangailangan ng karagdagang dokumentasyon maliban sa kanilang pasaporte, visa kung kinakailangan sa bansang destinasyon, round trip ticket, boarding pass, at e-travel.
Tanging ang mga sumasailalim sa pangalawang inspeksyon, o higit lamang sa 1% ng mga papaalis na Pilipino ang maaaring mangailangan ng mga karagdagang dokumento kung sila ay may “red flags” o kaya’y hindi pagkakatugma ng kanilang mga dokumento at layunin ng paglalakbay.
“The same guidelines has been in effect since 2012, and revised in 2015, and the same metrics are being used by our immigration officers until present,” ani Tansingco.
Nilinaw din ng DOJ na ang pansamantalang pagsususpinde ng pagpapatupad ng binagong mga alituntunin ay mananatili sa kasalukuyang mga alituntunin hanggang sa susunod na ilalabas na abiso.
“We respect the resolution of the Senate to suspend the implementation of the guidelines, and are working with other members of the inter-agency to be able to address any concern or clarification that the public might have,” ani Tansingco.
“The IACAT also sees this as a good opportunity to be able to highlight the realities of human trafficking, and are welcome to discussion on how the government, as a whole, can combat this societal ill,” dagdag pa ng opisyal. JR Reyes