IPINAGMAMALAKI ng Department of Agriculture na pupwersahin nitong bumaba ang presyo ng bigas sa bisa ng deklarasyon ng Food Security Emergency for Rice.
Ito’y dahil ang presyo ng imported at lokal na regular at well-milled rice ay naglalaro sa PHP37-PHP53 kada kilo sa Metro Manila habang ang imported at local premium at special rice ay inilalako sa PHP48-PHP65 kada kilo.
Sa pangkalahatan, nabigo umano ang Executive Order 62 na pinalabas mismo ni Pangulong Bongbong Marcos noong June 20, 2024 na pababain ang presyo ng bigas.
Ipinag-utos ng EO 62 na tapyasin ang taripa sa imported rice mula 35 porsyento sa 15% para magmura ang bigas na lokal at imported pero naging waepek ito.
Kaya heto ngayon ang pagpapairal ng Food Security Emergency for Rice para magmura ang bigas.
Sobra-sobra umano ang suplay o nasa bodega ng NFA at ibebenta ang NFA rice ng NFA-DA sa mga kadiwa store at local government unit sa halagang nasa P36 kada kilo at ibebenta naman ng mga Kadiwa at LGU sa P38 kada kilo para mas mababa sa P40 kada kilo.
Dito umano mapupwersa ang mga retailer, importer at trader na ibaba ang halaga ng mga hawak nilang bigas, lokal man o imported.
Pero paano ang katotohanang 10 araw lang na konsumo ng mga Pinoy ang 300,000 toneladang NFA rice?
Paano nito mapababa ang presyo ng bigas sa ganitong kalagayan?
Pagkatapos ng 10 araw, anak ng tokwa, muling mamamayani ang mga ganid na retailer at mga mapagsamantalang importer at rice trader na kung tawagin sa kabuuan ay rice cartel.
Pinaaasa lang ang kawawang mamamayan sa wala.
BIGAS MAGMUMURA, IBANG PAGKAIN MAGMAMAHAL
Lumalabas na wala ring mangyayari sa pagmumura ng bigas dahil ang 62 ulam o pagkain at iba pang mga gamit naman pagpasok ng Pebrero 2025 ay magmamahal.
Ayon na rin sa Department of Trade and Industry, pinayagan nitong tataas ng 5-10% ang presyo ng mga basic at prime commodities.
Kasama sa basic commodities ang “rice, corn, root crops, bread; fresh, dried or canned fish at iba pang yamang dagat, fresh pork, beef and poultry meat; fresh eggs; tubig sa bote at galon; fresh and processed milk; fresh na gulay at prutas, lokal na instant noodles; kape, asukal, mantika,, asin, sabong pampaligo at panlaba; uling, kahoy na panluto ; liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene; kandila at gamot.
Prime commodities naman ang arina, tapa o processed o delatang baboy, baka, manok; gatas at iba pang dairy products gaya ng keso, sibuyas, bawang, suka, patis, soy sauce, toilet soap; abono, pestisidyo, herbicides; manok, pugo, bibe, pato at iba pang alaga, pakain at productong beterinaryo; papel at school supplies; nipa, sawali; semento, yero o GI sheets, hollow blocks, plywood, plyboard, pako, baterya, electrical supplies, bombilya, bakal at mga gamot na hindi gaanong mahalaga para sa Department of Health.
Baba nga ang bigas, mahal naman ang ulam at gamot, gayundin ang mga gamit sa produksyon ng bigas at ulam at pati ang mga gamit sa bahay at paghanapbuhay ng mga labandera at gamit pang-eskwela.
Saan kaya basurahan o kangkungan tayo mahuhulog at pupulutin?






