Bulacan – Sugatan ang isang High-Value Individual (HVI) matapos umanong manlaban, mahulihan ng P510,000 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Santa Maria nitong madaling araw ng Hulyo 1.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Don”, 46, negosyante, residente ng La Loma, Quezon City.
Ayon sa ulat, pinangunahan ng istasyon ang operasyon katuwang ang Bulacan PIU, Bulacan PIT East, RIU3, PPDEU at PDEA Bulacan bandang 1:01 ng madaling araw sa Brgy. Guyong.
Nabatid na nauwi ang operasyon sa armed encounter nang manlaban umano ang suspek na nasugatan sa kanang braso.
Nakumpiska sa operasyon ang nasa 75 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P510,000, Glock 9MM pistol, walong bala nito, hand grenade, Honda City at P1,000 buy-busy money.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon habang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa suspek na nasa kustodiya ng istasyon. (Dick Mirasol III)