Home METRO Pekeng consultancy sa Maynila, ipinasara ng DMW; 2 arestado

Pekeng consultancy sa Maynila, ipinasara ng DMW; 2 arestado

3
0

MANILA, Philippines – Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ang isang consultancy firm sa Sta. Ana, Maynila at inaresto ang dalawang umano’y illegal recruiter kaugnay ng pekeng alok na trabaho sa Poland.

Inaresto sina Jomalyn Baya Fisher at Glydel Sayon, habang itinuring namang mga kasabwat sina Rina Songahid Bench at Arlyn Rodriguez.

Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kasama sina Undersecretary Bernard Olalia at Assistant Secretary Jerome Alcantara ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), ang entrapment at enforcement operation noong Martes upang ipatupad ang Closure Order No. 24, Series of 2026 laban sa Venancia Consultancy PTY Ltd./Venancia International Manpower, Inc.

Ayon sa DMW, pinaniwala umano ng mga suspek ang mga aplikante na awtorisado ang Venancia na magpadala ng mga welder at factory worker sa Poland kapalit ng P300,000 processing fee at nangakong tatanggap ang mga ito ng 1,200 euros na buwanang sahod.

Gayunman, sa beripikasyon ng DMW, lumabas na bagama’t recruitment officers ng isang lisensyadong ahensya sina Bench at Fisher, wala silang kaugnayan sa Venancia Consultancy/Venancia International Manpower. Wala rin umanong aprubadong job order para sa Poland ang naturang ahensya kaya iligal ang mga iniaalok na trabaho.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong illegal recruitment at isasama sa DMW List of Persons and Entities with Derogatory Record. Irekomenda rin ng DMW ang kanselasyon ng business permit ng Venancia sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng rehistro nito sa Department of Trade and Industry (DTI).

Nanawagan naman ang MWPB sa iba pang posibleng nabiktima ng Venancia at ng mga suspek na makipag-ugnayan sa ahensya para sa libreng legal assistance. Muli ring pinaalalahanan ng DMW ang publiko na tiyaking lisensyado, awtorisado, at may aprubadong job order ang recruitment agency bago magbayad o tumanggap ng alok na trabaho sa ibang bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here