Home OPINION BIKTIMA NG MGA BAGYO TULUNGANG BUMANGON

BIKTIMA NG MGA BAGYO TULUNGANG BUMANGON

KATATAPOS lang si bagyong Pepito na manalasa sa Pilipinas.

Ang totoo, hindi pa tapos ang pagdating ng mga bagyo at maaaring may darating pa bago matapos ang buwang ito ay may tatlo pa sa darating na Disyembre.

Kaya naman, hindi natin maiwasang mag-isip kung paano manira ng buhay at ari-arian nang tuloy-tuloy.

At ang mga kasiraang ito, napakahirap na madaling malagpasan at magkaroon ang lahat ng biktima ng ginhawa.

KWENTAHANG KAPOS

May pagkwenta lagi mismo ang pamahalaan gaya ng ginagawa ng National Disaster Risk Reduction Management Council.

Tuwing matapos ang isang bagyo, sinasabi lagi ng NDRRMC ang mga nasisira at halaga ng mga ito.

Simula noong Enero 2024, gaano na ba kalaki ang halaga ng nasira nang ari-ariang pribado at pampubliko?

Kung kwentahin ang mga sinasabi ng NDRRMC, nasa P30 bilyon na ang lahat.

Pero sa palagay ninyo, gayun-gayun lang ang halaga ng mga nasisira?

Hindi kaya doble o higit pang malaki?

MGA ALALAHANIN

Sa mga imprastraktura lamang, mga Bro, kapag nasira ang isang tulay nang buo o isang eskwela, gaano ba kalaki ang nasira?

Nagtatanong tayo nang ganito dahil kasama sa dapat isipin ang gastos sa pagtatayo muli at hindi lang ang nasirang tulay o eskwela.

‘Yun bang === kung nasira ang halagang P100 milyong tulay o eskwela, hindi ba nangangailangan din ito ng ibang P100 milyon para sa pagtatayo ng bago?

Kaiba pa ang halaga ng pagwasak o pagdemolis ng naiwang parte ng nasirang tulay o eskwela.

Iba pa ang pagkakaroon ng mga interes kapag inutang ang pagpapagawa ng mga ito.

Ganito rin ang dapat na pagkwenta sa sira sa agrikultura.

At may pagkakatulad pa ang mga ito na dapat isipin.

Sa pagtatanim, halimbawa, ng palay, aabutin ng apat buwan ang lahat mula sa pag-aararo hanggang pag-aani.

May panahon din sa pag-aalaga ng mga hayop gaya ng manok at baboy mula 45 araw para sa una at hanggang 6-7 buwan para sa baboy.

Sa paggawa ng tulay at eskwela, posibleng aabot ang mga ito ng isang taon o higit pa.

Gaano naman kalaking halaga ang nasasayang ng mga may-ari o ang mga mamamayan sa paghihintay ng pagbabalik sa normal at pakinabang mula sa mga nasira at nagawa o naibalik na mga ari-arian at produkto?

SUMANDAL NANG HIGIT SA PAMAHALAAN

Sa laki ng mga pinsala at haba ng panahon sa pagbabalik sa normal na kalagayan at pakinabang, hindi basta kaya ng mga mamamayan ang tumindig sa sarili nilang hanay.

Lalo’t sila-sila ang nasiraan at halos walang maitutulong sa isa’t isa.

Kaya naman, dapat na maghanda ang pamahalaan ng anomang hilinging ayuda ng mga mamamayan.

At dapat na produktibong mga ayuda ang iaalay ng gobyerno at hindi panlimos.

‘Yun bang === ayuda na maayos na magamit o maitanim kumbaga sa halaman upang sa bandang huli, magbubunga ito ng maganda at matagalang pakinabang.

Pero hindi dapat katulad ng P500 bilyong anti-flood projects noong 2023 at 2024 na hindi maramdaman ang ibinubunga ng mga ito.