Home NATIONWIDE Biktimang OFW ng Kuwait fire na nasa kritikal na kondisyon, nagrerekober na

Biktimang OFW ng Kuwait fire na nasa kritikal na kondisyon, nagrerekober na

Vehicles are parked next to a building damaged following a deadly fire, in Mangaf, southern Kuwait, June 12, 2024. REUTERS/Stringer

MANILA, Philippines – Isa sa dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na nasa kritikal na kondisyon matapos ang sunog na sumiklab sa residential building sa Kuwait, ay nakalabas na ng intensive care unit (ICU) at nagpapagaling na, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) nitong Lunes, Hunyo 17.

“’Yung isang nasa ICU nakalabas na, nasa ward na siya ngayon at gumagaling na siya,” ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac sa panayam ng Radyo 630.

Samantala, ang isa pang OFW ay nasa kritikal na kondisyon pa rin at nananatili sa ICU.

Matatandaan na mahigit 35 katao ang nasawi, kabilang ang tatlong OFW, sa sunog na sumiklab sa gusali noong Miyerkules, Hunyo 12 sa Mangaf area.

Ayon kay Cacdac, inaayos na ng pamahalaan kasama ang Kuwaiti authorities ang pagpapauwi sa bangkay ng tatlong OFW na nasawi.

“’Yon pong tatlong labi ng mga nasawi sa Kuwait isinasaayos pa natin ‘yung kanilang pag-uwi and we’re coordinating with the Kuwaiti authorities and our embassy in Kuwait,” ani Cacdac.

Samantala, inaayos na rin ng DMW ang pagpapauwi sa mga Pinoy na apektado ng sunog. RNT/JGC