MANILA, Philippines – Lumakas pa bilang tropical storm Huwebes ng gabi ang isang tropical depression na minomonitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa loob ng Tropical Cyclone Information Domain (TCID) nito.
Sa update ng PAGASA, sinabi nitong namataan ang sama ng panahon sa layong 2,805 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao dakong alas-8 ng gabi. Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph, habang mabagal na kumikilos pakanluran.
Ayon sa PAGASA, ang TCID ang pinakamalaki at pinakalabas na monitoring domain ng ahensya. “Tropical cyclones present inside the TCID are of least concern for the forecasters but are necessary enough for monitoring and public awareness purposes,” PAGASA said.
Samantala, magdadala ang localized thunderstorms ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras. RNT