Home NATIONWIDE Binatilyo kritikal sa bird flu sa tao sa Canada

Binatilyo kritikal sa bird flu sa tao sa Canada

TORONTO — Nasa kritikal na kondisyon ang isang binatilyo sa isang ospital sa British Columbia bunsod ng unang kaso ng pinaghihinalaang avian influenza sa tao sa Canada.

“This was a healthy teenager prior to this, so no underlying conditions,” ayon kay provincial health officer Bonnie Henry sa isang press conference.

Sinabi ng mga opisyal ng kalusugan ng British Columbia noong Sabado na nakita ng probinsiya ang unang kaso ng H5 bird flu sa Canada sa isang tinedyer.

Sinabi ni Henry na tinutukoy pa rin ng lalawigan ang eksaktong strain, ngunit ipinapalagay na ang kaso ay H5N1.

Ayon sa World Health Organization na mababa ang panganib ng H5N1 sa mga tao dahil walang ebidensya ng hawaan sa tao, ngunit ang virus ay natagpuan sa dumaraming bilang ng mga hayop kabilang ang mga baka sa Estados Unidos.

Hindi ibinunyag ni Henry ang kasarian o edad ng tinedyer ngunit sinabing una silang nagkaroon ng mga sintomas noong Nob. 2 at nasuri noong Nob. 8, nang sila ay na-admit sa ospital. Kasama sa mga sintomas ang conjunctivitis, lagnat at pag-ubo.

Ang tinedyer ay walang pagkakalantad sa bukid ngunit nalantad sa mga aso, pusa at reptilya, sabi ni Henry. Walang natukoy na pinagmulan ng impeksiyon. RNT