Home NATIONWIDE BOC staff tinakot ng Bulacan mayor na pinigil sa dalang P400K sa...

BOC staff tinakot ng Bulacan mayor na pinigil sa dalang P400K sa Clark

MANILA, Philippines – IBINAHAGI ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark na ang kabiguan na ideklara ang bitbit na pera ay isang direktang paglabag sa cross-border currency declaration requirements.

Ang naturang pahayag ay matapos pigilan ng mga tauhan ng BOC-Port of Clark si San Rafael, Bulacan Mayor Mark Cholo Violago, na nagsabing sinubukan umano nitong magdala ng P400,000 na hindi idineklara na pera mula sa Bangkok, Thailand noong nakaraang linggo kung saan binantaan pa umano nito ang mga tauhan ng nasabing ahensiya.

Sa isang pahayag, sinabi ng BOC port office na sinubukan din ni Violago na magdala ng hindi idineklara na regulated agricultural products at gumawa ng mga maling pahayag sa kanyang electronic Customs Baggage Declaration form sa kanyang pagdating sa Clark International Airport noong Setyembre 10.

Sa ilalim ng mga panuntunan sa customs, ang pagdadala o pagkuha ng higit sa P50,000 sa lokal na pera ay nangangailangan ng nakasulat na awtorisasyon mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Nabatid na maaaring kumpiskahin ng BOC ang mga hindi awtorisadong halaga na lampas sa P50,000 na limitasyon.

“Despite their position as a public servant, this individual chose to disregard the very law they are duty-bound to uphold, demonstrating a serious breach of public trust and a blatant disregard for the rule of law,” ayon sa BOC-Clark.

Samantala, inakusahan naman ni Mayor Violago ang BOC na gustong kunin ang kanyang pera. Batay sa video at transcripts na inilabas ng BOC-Clark, inakusahan ni Violago ang mga tauhan ng customs na sinubukang kunin ang kanyang pera at umatras lamang nang malaman na siya ay isang alkalde ng bayan.

“Kailangan natin ng media dito kasi tinatakot ako kung hindi ako nagpakilalang mayor eh kukuhanin yung pera … hindi naman ako tanga. Nung malamang mayor ako parang nagulat yata yung tao eh,” ayon sa alkalde kung saan inakusahan nito ang customs personnel na “diskarte”, o pakana para makakuha ng suhol.

Nauna dito, kinunan umano ng customs examiner ng video upang idokumento at pagkumpiska sa nadiskubreng malaking halaga ng pera na bitbit ng alkalde sa pamamagitan ng x-ray scan dahil hindi umano ito deklarado at lampas sa pinahihintulutang halaga na P50,000.

Sinabi ng BOC-Clark sa kanilang pahayag na sa kabila ng mga probokasyon na ito, ang mga opisyal ng BOC ay nanatiling kalmado at propesyonal sa buong engkwentro, idinagdag pa na ang nasabing insidente ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno laban sa money laundering at pagpopondo ng terorista. Jay Reyes