Home NATIONWIDE Bolinao nakapagtala ng 333K tourist arrivals mula Enero ‘gang Abril 2024

Bolinao nakapagtala ng 333K tourist arrivals mula Enero ‘gang Abril 2024

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Bolinao Tourism Office ng 333,688 tourist arrivals mula Enero hanggang Abril ngayong taon, mas mataas sa 276,439 na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.

Ayon sa datos ng Pangasinan Tourism Office nitong Martes, Mayo 21, karamihan sa mga bumisita ay mga day tourists sa 231,755, habang ang mga nanatili hanggang gabi o sa magdamag ay umabot ng 101,933.

Karamihan sa mga turista ay mula sa Ilocos Region sa 85,065, sinundan ng Central Luzon, 41,500; at National Capital Region, 36,530.

Sa panayam kay Senior Tourism Operations officer Mary De Guzman, ang pinaka-binisita sa bayan ay ang Balingasay River, Bolinao Falls, at Patar Beach.

Noong 2023, nasa kabuuang 635,935 turista ang bumisita sa iba’t ibang travel destinations sa Bolinao, mas mataas sa pre-pandemic levels.

Sa kabila nito, bahagyang mababa ang nasabing bilang kumpara sa 642,603 na naitala noong 2022.

Ani De Guzman, ito ay dahil sa desisyon ng tourism officials na huwag munang tutukan ang marketing dahil sa nagpapatuloy na infrastructure projects sa bayan, kabilang ang convention center, at pagbili ng mga lupa para sa planong Bolinao airport. RNT/JGC