Home NATIONWIDE Bong Go, binuksan 165th Malasakit Center sa Rosales, Pangasinan

Bong Go, binuksan 165th Malasakit Center sa Rosales, Pangasinan

MANILA, Philippines – Kasama ang lokal na pamahalaan ng Pangasinan at Department of Health, pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapasinaya ng 165th Malasakit Center sa Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center sa Rosales kahapon.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, si Go ang nagsulong na magkaroon ng mabilis na access ang mahihirap na Pilipino sa pangangalagang pangkalusugan at mga serbisyo sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng Malasakit Centers Law na pangunahin niyang iniakda at itinaguyod noong 2019.

“Ang bagong Malasakit Center dito sa Pangasinan ay simbolo ng ating walang tigil na paglilingkod at malasakit para sa bawat Pilipino. Layunin nating mas accessible ang serbisyong medikal para sa lahat, lalo na sa ating mga kababayang higit na nangangailangan,” ani Go.

Ang Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, ay nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Pinagsama-sama sa Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Nagsisilbing “one-stop shop”, tinutulungan nito ang mga mahihirap na pasyente na mabawasan ang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga.

Iniulat ng DOH na ang programang Malasakit Centers ay nakatulong sa mahigit 10 milyong Pilipino.

Idineklara bilang adopted son ng Pangasinan, binanggit ni Go na mayroon ding Malasakit Center sa lalawigan na matatagpuan sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City.

“Hindi na ninyo kailangan pang pumunta sa malalayong lugar para humingi ng tulong pampagamot,” ang sabi ni Go sa mga residente.

Patuloy na nagsusulong si Go para sa pagtatayo ng mga bagong medical facilities at pag-upgrade ng mga kakayahan ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa. Sa katunayan, siya ang pangunahing nag-sponsor ng R.A. Blg. 11558 o isang batas na siyang nagtatag ng General Hospital sa Munisipalidad ng Rosales, Pangasinan ngayo’y Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center. RNT