Home NATIONWIDE Bong Go ‘di natitinag sa senatorial surveys

Bong Go ‘di natitinag sa senatorial surveys

MANILA, Philippines – Labis na nagpasalamat si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino sa patuloy na ibinibigay na pagtitiwala at suporta sa kanya dahil sa pananatili niyang isa sa nangungunang kandidato sa pagkasenador para sa darating na halalan, batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research.

Si Senator Go ay kabilang sa statistical top three sa nakuha niyang 58 percent voter preference sa Tugon ng Masa survey na isinagawa mula Enero 25 hanggang 31.

Nagpapakita ito na malakas ang suporta ng publiko para sa kanyang hands-on governance approach at grassroots initiatives.

“Maraming-maraming salamat sa inyong patuloy na tiwala at suporta. Katulad noon hanggang ngayon, hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinibigay ng taumbayan sa akin na makapaglingkod sa bayan,” sabi ni Senator Go.

Si Go ay paborito rin sa nangungunang pagpipilian sa pinakabagong senatorial preference survey Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS).

Sa survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Enero 18 hanggang 25, 2025, si Go ay nasa ika-2 hanggang ika-3 puwesto sa nakuhang 50.4% suporta ng mga botante. Sa survey naman ng SWS na isinagawa sa parehong panahon, pumuwesto siya sa ika-3 hanggang ika-4.

Kilala sa kanyang adbokasiya sa healthcare at grassroots assistance programs, nangako ang senador na patuloy na isusulong ang mas marami pang pro-poor programs sakaling mabigyan ng panibagong termino sa Senado.

“Kung papalarin at mabigyan muli ako ng pagkakataon na maglingkod sa Senado, ‘more service’ pa at pro-poor programs ang ating isusulong at pagtitibayin. Mas ilalapit natin ang serbisyo sa tao lalo na sa mahihirap na walang pinipili o kinikilingan,” ayon sa senador.

Ayon kay Go, ang kanyang etika sa trabaho ay isa sa pinakamahusay na kontribusyon na maibibigay niya sa sambayanang Pilipino.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, isinusulong ni Senator Go ang batas na nagpapabuti sa access sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, partikular para sa mahihirap at hindi naseserbisyuhang komunidad.

Siya ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize ng Malasakit Centers na may mayroon nang 167 sa buong bansa.

Itinulak din ni Senator Go ang patuloy na pagtatayo ng mas maraming Super Health Center na idinisenyo para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan, konsultasyon at maagang pagtuklas sa mga sakit sa mga komunidad. RNT