MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2814, o ang Free Legal Assistance for Military and Uniformed Personnel Act.
Bilang punong may-akda at vice chairperson ng committee on national defense, pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang mga kasamahan sa pagsuporta sa panukalang batas,.
Layon nitong magbigay ng libreng legal na tulong sa militar at uniformed personnel na nahaharap sa mga legal na hamon sa pagganap sa tungkulin.
Binigyang-diin ni Senator Go na bago pa siya naging senador ay matagal na siyang sumusuporta sa militar, pulis at iba pang unipormadong tauhan.
Binanggit niya ang pagtaas ng sahod ng mga unipormadong tauhan noong administrasyong Duterte bilang halimbawa ng kanyang pangako.
“Our military and uniformed personnel face countless risks in the line of duty, often in hostile and life-threatening environments,” ani Senator Go.
“They perform their responsibilities with courage and commitment, safeguarding our sovereignty, upholding the rule of law, and providing assistance during times of calamity and crisis. However, there are instances when they encounter legal challenges arising from the faithful execution of their duties. In such cases, the government must ensure that they are not left to fend for themselves,” dagdag niya niya.
Idiniin ng senador na ang panukalang batas ay bilang pagkilala ng gobyerno sa mga natatanging hamon na kinakaharap ng militar at unipormadong tauhan at pangangalaga sa kanilang mga karapatan at kapakanan.
“Mr. President, ang panukalang batas na ito ay sumasalamin sa ating iisang layunin na tulungan ang ating mga kawani sa militar at uniformed personnel habang patuloy nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa Sambayanang Pilipino,” idiniin ni Go.
Pinasalamatan ni Senator Go si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na pangunahing nag-sponsor ng panukala, gayundin ang mga kapwa senador sa kanilang pagsuporta.
“Ang pagpasa ng panukalang ito ay muling pagpapatibay ng ating hindi natitinag na pangako sa magigiting na kalalakihan at kababaihan na naglilingkod at nagpoprotekta sa ating bansa,” dagdag niya.
Nakikita ang panukala bilang isang mahalagang hakbang tungo sa pagtiyak na ang mga karapatan ng mga naglilingkod sa militar at iba pang unipormadong serbisyo ay maitataguyod, habang sila ay humaharap sa mga hamon at panganib ng kanilang tungkulin. RNT