MANILA, Philippines- Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa mga magulang na suportahan at makipagtulungan sa programa ng gobyerno na pagbabakuna upang maprotektahan ang kanilang mga anak mula sa iba’t ibang sakit.
Ito ay sa gitna ng mga ulat na pagtaas ng kaso ng tigdas sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at pertussis outbreaks sa National Capital Region at iba pang bahagi ng bansa tulad ng Iloilo City .
Ayon kay Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, ang pagprotekta sa kalusugan sa mga anak ay isang shared responsibility kaya hinikayat niya ang mga magulang na suportahan ang mga inisyatiba ng pagbabakuna ng pamahalaan.
“Sa pamamagitan ng pagtiyak na nakatatanggap ang ating mga anak ng bakuna sa tamang oras, maaari natin silang ilayo sa mga malubhang sakit tulad ng tigdas at pertussis,” ani Go.
Sa Republic Act No. 10152, mas kilala bilang “Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011”, iniuutos ang pagbibigay ng regular na serbisyo ng pagbabakuna sa mga sanggol at bata hanggang 5 taong gulang at target ang sakit na kinabibilangan ng pertussis at tigdas, bukod sa iba pa.
Sinabi ni Go na dapat magtiwala sa mga eksperto sa kalusugan at huwag hayaang hadlangan ng takot ang paglaban sa mga maiiwasang sakit na ito.
Dapat aniyang mapabuti ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga anak.
Naglunsad ang Department of Health (DOH) ng nonselective immunization drive sa Mindanao bilang tugon sa measles outbreak sa BARMM. Layon nitong mabakunahan ang mga bata sa mga apektadong lugar nang hindi nangangailangan ng pag-verify sa kasaysayan ng pagbabakuna.
Ang hakbang na ito ay upang mapabilis ang proseso ng pagbabakuna at epektibong kontrolin ang outbreak. Tiniyak ni Undersecretary Eric Tayag sa mga magulang na ligtas ang bakuna, walang panganib ng overdose, para sa mga batang 6 buwan hanggang 10 taon.
Iniulat ng DOH ang paglobo ng kaso ng tigdas at pertussis sa buong bansa. Nabatid na may higit 2,600 kaso ng tigdas at higit 453 kaso ng pertussis, kabilang ang 35 pagkamatay, sa unang 10 linggo ng taon.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng Malasakit Centers para sa mga apektado at nangangailangan ng tulong-medikal. Ang mga center na ito ay kritikal na resources para sa mga pamilyang Pilipino na nangangailangan ng pangangalagang medikal.
Si Go ang pangunahing may-akda at isponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program para magkaroon ng mabilis na access sa medical assistance program ng iba’t ibang ahensya ang mga Pilipino, partikular ang mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.
Sa kasalukuyan, may 161 operational Malasakit Centers sa buong bansa na nakahandang tumulong sa mga gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyente. RNT