MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go, vice chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, sa mga kinauukulang ahensya na paigtingin ang paghahanap ng hustisya para sa mahigit 400 Pilipinong nabiktima ng illegal recruitment scheme, kagagawan ng Alpha Assistenza SRL, sa Italy.
Sinasabing kumilos na ang Philippine Consulate General sa Milan at ang Department of Migrant Workers (DMW) at nag-alok ng tulong sa mga apektado ng recruitment scheme.
Gayunpaman, natuklasan ni Go ang pagkaantala ng pagresolba ng kaso kaya muli siyang nanawagan para sa mas agarang pagtugon ng pamahalaan sa isyu.
“Despite the scam being exposed three months ago, more tangible actions to address this pressing issue are yet to be taken,” ani Go.
Aniya, ang pagkaantalang ito ay hindi lamang nakapanghihina ng loob bagkus ay nagpapalala rin sa mga paghihirap na kinakaharap ng mga naging biktima na kasalukuyang nasa isang estado ng kawalan ng katiyakan sa kanilang hinaharap at pinansiyal na seguridad.
Ilang biktima ang nagsabing natuklasan nila na ang mga work permit na inisyu sa kanila ng Alpha Assistenza SRL ay huwad matapos makapagbayad sa ahensya.
Nadiskubre na ang Alpha Assistenza SRL ay walang anumang legal na karapatan para magproseso ng mga aplikasyon ng work visa para sa mga Filipino.
Hinimok ni Go ang DMW at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ibigay ang kanilang buong suporta sa mga apektadong indibidwal at tiyaking matatanggap nila ang kinakailangang tulong at patnubay.
Idiniin din ni Go sa kanyang apela sa Department of Justice (DOJ) na apurahin ang masinsinan at mabilis na imbestigasyon sa mga illegal recruitment activities.
Sinabi ni Go na suportado niya si Senator Raffy Tulfo, chair ng Senate Committee on Migrant Workers, humihiling ng imbestigasyon sa mga hinihinalang kaso ng panloloko at illegal recruitment activities.
Ayon kay Go, nauunawaan niya ang mga kumplikasyon sa mga ganitong kaso, ngunit ang pagkaantala ay hindi lamang nagpapahaba sa pagdurusa ng mga biktima kundi nakasisira rin ng tiwala ng ating mga kababayan sa kakayahan ng gobyerno na protektahan at itaguyod ang kanilang mga karapatan.
Gayundin, nanawagan si Go na bigyan ng kinakailangang tulong ang iba pang Pilipino na nahaharap sa mga suliranin sa ibang bansa, tulad ng walong Pilipinong marino na nasa kustodiya ng Algerian authorities dahil sa umano’y drug trafficking.
Sinasabing ang walong seafarer na ito ay hindi pa nakakausap ng kanilang pamilya, mga kinatawan mula sa kanilang ahensya o mga awtoridad ng Pilipinas, ayon kay Captain Edgardo Flores, general manager ng Eastern Mediterranean Manning Agency.
“Kung ano lang ang tama. Kung mapatunayang may kasalanan, kaya panagutin ayon sa batas. Pero bilang kapwa Pilipino, siguraduhin nating mabigyan sila ng sapat na suporta upang makamit ang mabilis at patas na hustisya,” ani Go. RNT