Home NATIONWIDE Bong Go sa pertussis outbreak: Magsuot ng mask

Bong Go sa pertussis outbreak: Magsuot ng mask

MANILA, Philippines – Kaugnay ng mga ulat ng outbreak ng pertussis, mas kilala bilang whooping cough, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go ng higit na pag-iingat, interbensyon ng gobyerno at pakikipagtulungan ng komunidad upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Ang outbreak ay idineklara sa Quezon City habang ang Pasig ay nag-ulat din ng nakababahalang pagtaas ng mga kaso nito.

“Napakahalaga ng pagiging alerto at pagtugon ng gobyerno sa paglaban sa pertussis. Ang sakit na ito, lalo sa mga sanggol at bata, ay hindi dapat balewalain,” ani Go.

Sinabi ni Go na dapat magkaisa at maging proactive sa pagpapalaganap ng impormasyon at tiyaking may sapat na gamot para sa lahat.

Ang outbreak sa Quezon City na may 23 kumpirmadong kaso at ilang sanggol na namatay, habang 17 ang iniulat na kaso sa Pasig, ay nag-udyok sa mga lokal na pamahalaan na simulan ang pagtugon sa pampublikong kalusugan.

Kabilang dito ang pagtiyak sa publiko ng pagkakaroon ng mga bakuna at post-exposure prophylaxis.

Samantala, inaaral na rin ng disaster risk reduction and management council ng Iloilo City na magdeklara ng outbreak ng pertussis sa mga distrito ng Molo at Jaro.

Ang sakit ay kumakalat sa pamamagitan ng respiratory droplets at maaaring magresulta sa seryosong isyu sa kalusugan, gaya ng pneumonia, seizure, pinsala sa utak, at posibleng ikamatay.

Sinabi ng Pangulo ng Philippine College of Physicians na si Dr. Rontgene Solante na agad tugunan ang outbreak at pinayuhan niya ang vulnerable group, lalo ang mga bata at matatanda, na magsuot ng face mask o magpabakuna laban sa pertussis.

Nagbabala si Solante sa potensyal ng paglaganap ng epidemya, partikular sa mga lugar na makapal ang populasyon tulad ng Metro Manila.

“Tulad ng lagi kong payo, kung hindi naman sagabal sa inyo, ugaliing magsuot ng mask para protektahan ang sarili at ang ating pamilya,” ani Go.

“Nagawa nating magsuot ng mask ng higit sa dalawang taon noong pandemya. Konting tiis lang ito para makasalba ng buhay ng ating kapwa,” dagdag ng senador. RNT

Previous articleTolentino: DFA dapat magtatag ng alyansa sa maritime countries
Next articleNumber coding sa Huwebes Santo, Biyernes Santo suspendido