Home NATIONWIDE Bong Go umayuda sa mga nawalan ng trabaho sa Maynila

Bong Go umayuda sa mga nawalan ng trabaho sa Maynila

Pinayuhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang humigit-kumulang isang libong benepisyaryo na gamitin nang matalino ang tulong ng gobyerno para sa personal at community development.

Ito’y kasunod ng relief activity sa Lungsod ng Maynila noong Huwebes, Mayo 23, kung saan ang senador ay nagbigay ng karagdagang suporta sa displaced workers, bukod sa suporta sa kabuhayan ng gobyerno na kanilang natanggap.

Si Go at ang kanyang Malasakit Team, sa pakikipagtulungan nina Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo, ay namahagi ng tulong sa Universidad de Manila, kung saan halos 1,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng meryenda, grocery packs, bitamina, masks, kamiseta, bola para sa basketball at volleyball, sapatos, mobile phone, relo, at bisikleta.

Sa suporta ni Go, nagsagawa naman ng orientation ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), kung saan binigyan sila ng pansamantalang trabaho para makatulong sa komunidad.

“Nandirito po tayo para sa programang TUPAD na ating isinulong noon para mabigyan po kayo ng pansamantalang trabaho… Bigyan po natin ng pagpupugay ang mga empleyado ng DOLE sa programang TUPAD,” ani Go.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng suporta sa kabuhayan ng gobyerno sa gitna ng mga pagsubok at hinimok ang mga benepisyaryo na sulitin ang pagkakataong ito upang maiangat ang kanilang buhay.

Nagpaabot ng pasasalamat ang senador sa mga lokal na opisyal na gumanap ng mahahalagang papel sa pag-oorganisa at pagsuporta sa okasyon, kabilang sina Mayor Lacuna, Vice Mayor Servo, Konsehal Lance Terencio at iba pang lokal na pinuno.

Hinimok ni Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang mga residente na unahin ang kanilang kalusugan at gamitin ang tulong mula sa Malasakit Centers na matatagpuan sa lungsod.

Sa kasalukuyan, 165 Malasakit Centers sa buong bansa ang nakatulong na sa mahigit o kulang sampung milyong Pilipino, ayon sa Department of Health (DOH).

“Sa mga pasyente, lapitan niyo lang ang Malasakit Center dahil para ‘to sa inyo. Kung may hospital bill kayo, nandiyan ang mga ahensya ng gobyerno na tutulong para mabayaran ito,” ani Go.

Ang Malasakit Centers sa Lungsod ng Maynila ay matatagpuan sa Tondo Medical Hospital, Philippine General Hospital, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Hospital, at San Lazaro Hospital. RNT