Home NATIONWIDE Bonifacio Day papatak ng Sabado, walang adjustment – Palasyo

Bonifacio Day papatak ng Sabado, walang adjustment – Palasyo

MANILA, Philippines- Hindi magkakaroon ng adjustment sa holiday para sa Nobyembre 30, Bonifacio Day, kahit na papatak ito ng araw ng Sabado, ayon sa Office of the Executive Assistant nitong Miyerkules.

Ito ang tugon ng OES matapos tanungin kung idedeklara ang Biyernes, Nobyembre 29, na holiday subalit anito, ”No movement of the holiday.”

Nagpalabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng alituntunin noong Oktubre  hinggil sa pay rules para sa mga empleyadong magtatrabaho o hindi papasok sa Nobyembre 30:

  • Walang trabaho: Makatatanggap ang mga empleyado ng kanilang full daily wage, sa kondisyong pumasok sila o naka-leave with pay sa araw bago ito.

  • Trabaho sa regular holiday: Makatatanggap ang mga empleyadong magtatrabaho sa araw na ito ng doble ng kanilang regular daily wage para sa unang walong oras. Binanggit ng DOLE na karapat-dapat silang makatanggap ng karagdagang 30 porsyento ng kanilang hourly rate para sa overtime work.

  • Trabaho sa regular holiday na pumapatak sa rest day: Ang mga empleyadong magtatrabaho sa Bonifacio Day, na kasabay ng kanilang rest day, ay makatatanggap ng 200 porsyento ng kanilang regular daily wage at karagdagang 30%. Samantala, para sa overtime work, makatatanggap sila ng karagdagang 30 porsyento ng kanilang hourly rate. RNT/SA