Ito ang awra ni Bossing Vic Sotto nang humarap sa mga nakaabang na miyembro ng media.
Ito’y matapos siyang pormal na naghain ng 19 counts ng cybel libel laban sa film director na si Darryl Yap sa Office of the City Prosecutor sa Muntinlupa City.
Kaugnay ng kasong isinampa, humihingi ang kampo ng TV host-comedian ng P20 M in moral damages.
Bukod dito’y humihingi pa sila ng karagdagang P15 M in exemplary damages.
Ang demanda ni Bossing ay bunsod ng teaser ng pelikula ni Yap na The Rapists of Pepsi Paloma.
Partikular na pinagbatayan nito ay ang pagkakabanggit ng kanyang pangalan sa teaser kung saan may eksena si Gina Alajar na gumaganap bilang Charito Solis at si Pepsi.
Tahasang tinukoy si Vic Sotto bilang isa sa mga gumahasa sa dating bold star.
Sa harap ng press, ipinagpapasalamat ng TV host ang suportang natatanggap niya mula sa kanyang pamilya’t mga kaibigan.
Pero madalas na itinuturo ni Bossing ang kanyang legal counsel bilang tagasagot sa mga tanong ukol sa nasabing kaso.
Dahil hindi naman siya ma-social media, ang misis ni Bossing na si Pauleen Luna ang nakatisod ng teaser ng pelikula sa Facebook page mismo ni Yap.
Hindi na rin daw ito ikinagulat ni Bossing as he already got wind of the news about the film last year.
Samantala, ayon naman kay Yap ay wala siyang nakikitang dahilan para humingi ng paumanhin mula kay Vic.
Batay raw ang kanyang pelikula tungkol sa kababayan niya sa Olongapo sa panayam niya sa ina’t kapatid ni Pepsi.
Nagbanta rin kasi ang anak ni Richie d’ Horsie na sasampahan ng demanda si Yap.
Ayon naman sa broadcast journalist na si Arnold Clavio, malabo raw aprubahan ang pagpapalabas ng nasabing pelikula ng MTRCB lalo’t ang pinuno nito’y mismong pamangkin ni Vic na si Chair Lala Sotto.
Buwelta naman ni Yap, huwag daw pangunahan ni Clavio ang isipan at desisyon ng MTRCB chief na kilalang patas. Ronnie Carrasco III