MANILA, Philippines – Siniguro ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. na nakipag-ugnayan sila sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago ang madugong engkwentro noong Enero 22 na nagresulta sa pagkasawi ng apat katao.
Sa press conference, sinabi ni Brawner na ang pagpasok ng mga sundalo sa Sumisip ay maayos na nai-coordinate sa MILF at iba pang stakeholders.
“Yes, we want to make it clear na nagkaroon po ng coordination from the top to the lower units. The letter of the Joint Normalization Committee (JNC) was given to many addresses na CC (carbon copy) sa mga iba’t-ibang mga units. Hindi lang po sa government side, even the MILF side. So there was prior coordination,” sinabi ni Brawner.
Ang JNC ay ang sangay ng pamahalaan at MILF na inatasang magsagawa ng normalization, na ikalawang hakbangin ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro — produkto ng ilang taon na peace negotiations sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Nitong Biyernes, sinabi ni Bangsamoro Education Minister Mohagher Iqbal at Butch Malang, chairperson ng MILF Coordinating Committees on the Cessation of Hostilities (CCCH) na ang engkwentro ay posibleng dulot ng kakulangan sa koordinasyon ng dalawang panig.
Samantala, kasabay nito ay sinabi ni Brawner na ang paggalaw ng mga tropa sa lugar ay hindi nangangailangan ng koordinasyon sa MILF.
“Second, ‘yung pinatawag natin na ATS are nonexistent already. Hindi po puwedeng sabihin ng MILF na hindi tayo puwedeng pumasok sa ATS without prior coordination,” ayon sa AFP chief, na tumutukoy sa Areas of Temporary Stay.
“So hindi ito law enforcement operation. So hindi talaga kailangan magpaalam. And in fact, in the area, ay pasok-lapas naman ‘yung ating mga sundalo dyan.”
“So it was just really very unfortunate that itong mga lawless elements na ito, they started that firefight by ambushing ‘yung ating military vehicle,” aniya.
Kamakailan ay sinabi ni Malang na sa pagsusuri sa kanilang secretariat ay hindi naabisuhan ang mga ito tungkol sa operasyon.
Ayon sa CCCH, ang mga sundalo na papasok sa MILF communities ay obligadong mag-abiso sa Government of the Philippines (GPH)-CCCH sa pamamagitan ng sulat o mensahe.
Pagkatapos nito ay makikipag-ugnayan ang GPH-CCCH sa MILF-CCCH.
“Wala po talagang na-receive ang MILF-CCCH na coordination na may papasok na security sector sa isang area,” ani Malang. RNT/JGC