Home NATIONWIDE Mga pantalan ‘di apektado ng sunod-sunod na lindol – PPA

Mga pantalan ‘di apektado ng sunod-sunod na lindol – PPA

MANILA, Philippines – Hindi naapektuhan sa mga pagyanig ng lindol ang karamihan sa mga pantalan sa ilalim ng Philippine Ports Authority (PPA) at patuloy ang operasyon simula Lunes.

Sa situation report na ibinahagi ng PPA, sinabi na ang Liloan Municipal Port sa Southern Leyte laamng ang sarado at sinigurado ng Terminal Management Office (TMO) – Liloan matapos makita ang malalaking bitak sa pantalan.

Naapektuhan ng magnitude 5.8 na lindol ang nasirang daungan, na kadalasang ginagamit ng mga cargo vessel sa lugar, sa Southern Leyte alas-7:39 ng umaga nitong Huwebes, ayon sa Port Management Office (PMO) Eastern Leyte/Samar.

Isang Intensity V na lindol ang naramdaman sa Liloan Municipal Port, Liloan Ferry Terminal, Port of San Ricardo, at Port of San Juan; Intensity IV sa Port of Sogod; at Intensity III sa Port of Tacloban.

Sa kabilang banda, ang PMO sa Batangas ay tinamaan ng 5.4 magnitude na lindol sa Calatagan alas-6:48 ng gabi nitong Lunes.

“Walang naiulat na pinsala sa mga pasilidad sa parehong mga daungan ng Calatagan at Batangas,” ayon sa PPA.

Ang parehong mga pantalan ay ipinagpatuloy ang operasyon bandang 6:55 ng gabi sa parehong araw pagkatapos ng isang safety check.

Bilang karagdagan, walang iniulat na pinsala ang PMO MIndoro matapos ang magnitude 2.6 na lindol na tumama sa TMO Lubang.

Samantala, iniulat ng PMO Surigao ang magnitude 5.0 na lindol sa General Luna, Surigao del Norte noong Miyerkules ng gabi na sinundan ng magnitude 5.7 na lindol na naganap sa 88 km, mula sa lalawigan ng Leyte noong Huwebes.

May iniulat ding pinsala sa PPA ports sa rehiyon.

Gayundin, iniulat ng PMO Misamis Occidental /Ozamiz ang lindol noong Huwebes ng bandang 11:41 ng umaga.

Natukoy ang lindol sa pmamagitan ng early warning device at seismic accelerograph intensity meter sa Ozamiz Port.

Ang lahat ng mga pasahero at empleyado ay ligtas na inilikas sa mga itinalagang lugar bilang bahagi ng standard emergency evacuation procedures.

Agad namang inispeksyon ang mga daungan ng PMO Engineering Services Division at lahat ng istraktura at pasilidad ay itinuring na ligtas at agad na ipinagpatuloy ang operasyon at mga transakyon sa pantalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden