MANILA, Philippines – Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang lokal na pamahalaan (local government units) na bigyang prayoridad ang pagtatatag ng fire-resilient communities para sa mas mabilis na pagtugon sa insidente ng sunog habang patuloy itong nagdudulot ng malaking hamon sa buong bansa.
Sinabi ni Gatchalian ang pangangailangan para sa mga LGU na magpatupad ng isang inisyatiba na may iba’t ibang aspeto na naglalayong mabawasan ang mga insidente ng sunog at pataasin ang kamalayan ng publiko.
Kabilang dito ang edukasyon sa pag-iwas sa sunog, pag-access sa mga gamit sa kaligtasan, at pagsasama ng mga fire safety drill sa regular na kurikulum ng paaralan upang maturuan ang bawat miyembro ng komunidad.
“Dapat magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng local government units upang mapahusay ang firefighting resources nito at mapabilis ang oras ng pagtugon lalo na sa mga lugar na underserved,” ani Gatchalian.
Namigay si Gatchalian ng tulong sa ilang nasunugan sa Bacoor, Cavite at Sampaloc, Maynila.
Sa Bacoor, Cavite, higit 200 na pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa kahabaan ng Waling-Waling St., Barangay Zapote I nitong Enero 13.
Namahagi ang tanggapan ni Gatchalian ng 300 sako ng bigas na naglalaman ng tig-10 kilo ng bigas na nagkakahalaga ng P114,000.
Samantala, sa Barangay 458 sa Sampaloc, Maynila, nasa 500 pamilya ang naapektuhan ng sunog noong Enero 16. Namigay rin si Gatchalian ng 400 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P152,000.
“Higit pa sa agarang tulong na ating ibinibigay, layon nating tiyakin na maiwasan ang mga ganitong klase ng sakuna sa hinaharap. Mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang bawat residente, kabilang na ang mga kabataan, upang malaman nila ang tamang hakbang para sa fire prevention nang sa gayon ay mapanatiling ligtas ang kanilang mga tahanan at komunidad,” ani Gatchalian.
Iniulat din ng Bureau of Fire Protection o BFP ang sunud-sunod na mga insidente ng sunog na nagresulta sa malaking pinsala sa ari-arian at paglikas ng mga residente.
Noong Enero 21, isang sunog sa bodega sa Barangay 254, Sta. Cruz, Maynila ang nagdulot ng tinatayang P8 milyon na pinsala.
Nauna rito, noong Enero 20, isang cold storage facility ang nasunog sa Fernando Poe Jr. Avenue, Brgy. Del Monte, Quezon City.
Sa Mandaluyong City, isang sunog sa residential area noong Enero 19, na nag-iwan ng dalawang sugatan. Ernie Reyes