MANILA, Philippines – Ayon kay AGAP Party-list Rep Nicanor Briones, na nahuling nanonood ng video ng sabong sa kanyang cellphone noong sesyon noong Lunes, na handa siyang humarap sa imbestigasyon ng House Committee on Ethics.
“Kung sa tingin nila ay dapat imbestigahan eh haharap tayo doon dahil wala naman tayong tinatago. Malinis konsensya natin,” saad ni Briones.
“Kung anuman ang kanilang gusto ay pinapaubaya ko na sa Diyos ang kapalaran natin,” dagdag niya.
Nauna nang ipinaliwanag ni Briones na nagbukas lamang siya ng video na ipinadala ng isang kamag-anak na nag-iimbita sa kanya na mag-sponsor ng isang cockfight derby.
“Medyo hindi, parang hindi makatarungan. Hahaha! Pero wala naman akong magagawa,” aniya.
“Dahil hindi naman totoo yung paratang sa atin na tayo nagsusugal doon sa habang nagbobotohan kay Speaker. Hindi naman tayo binigyan ng pagkakataon na tanungin. Medyo unfair na nagkaroon ng ganyang napakalaking issue,” dagdag niya.
Gayunman, tumanggi si Briones na magkomento nang tanungin tungkol sa mga balita na posibleng natalo siya sa pagkahalal sa Commission on Appointments dahil sa kontrobersiya.
Tiniyak ngayon ng bagong hinirang na chairperson ng House Committee on Ethics na hindi babalewalain ng komite ang insidenteng kinasangkutan ni Briones.
Sinabi ni Ethics chairperson Rep JC Abalos ng 4Ps Party-list na susundin nito ang due process.
Parehong bahagi ng minority bloc sa House of Representatives ang Briones at Abalos.
“I would like to let everyone know na hindi po natin binabalewala o babalewalain ang insidenting ito. I want everyone to expect, asahan niyo po na tutuparin ng Committee on Ethics ang aming tungkulin. And we will make sure that we will abide by the proper process before coming up with a decision on matters. Dahil yun po ang ethical at kami po ang Committee on Ethics. We can’t afford to right a wrong with another wrong,” saad ni Abalos.
“Dito po sa Committee on Ethics, meron po tayong tamang proseso, mekanismo, and standards na susundin when it comes to disciplining our members. Kung may pagkakamali po, meron po tayong tamang paraan ng pagwawasto,” dagdag niya. RNT/MND