ANG bawat Filipino ay kumokonsumo ng mula 118 hanggang 120 kilograms ng bigas taon-taon, at karaniwang puting bigas ang nasa isip tuwing pinag-uusapan ang kanin. Kaya naman hinihikayat ng Department of Agriculture (DA) ang mga mamamayan na subukan ang mas masustansya at makakalikasang alternatibo kagaya ng brown rice at rice mixes, bilang hakbang tungo sa mas malusog na pagkain at mas matatag na seguridad sa pagkain ng bansa.
Ayon DA-Agricultural Training Institute–Regional Training Center I (DA-ATI-RTC 1), mas mataas ang sustansya ng brown rice kumpara sa karaniwang puting bigas dahil nananatili pa ang bran layer nito.
Taglay ng brown rice ang mas maraming bitamina, mineral, at fiber, at may mas mababang glycemic index, na nakatutulong sa pagpapanatili ng tamang antas ng asukal sa dugo at sa pangkalahatang kalusugan. Mas mayaman din ito sa protein, B vitamins (B1, B2, B9), vitamin E, antioxidants, at iba pang mineral na nakatutulong laban sa diabetes, sakit sa puso, at kanser, habang nakabababa rin ng presyon ng dugo.
Ayon pa sa DA-ATI-RTC 1, hindi lamang mabuti ang brown rice para sa katawan kundi pati na rin sa kalikasan. Mas simple ang proseso ng paggiling ng brown rice, kaya mas mababa ang konsumo ng enerhiya at carbon emissions, na nakatutulong sa paglaban kontra sa climate change.
Bukod dito, nakadaragdag din ito sa kita ng mga magsasaka dahil kadalasang direkta itong naibebenta sa mga mamimili.
Bukod sa brown rice, hinihikayat din ng DA na subukan ang rice mixes o pinagsamang puting bigas at iba pang sangkap kagaya ng adlai, mais, at saging na saba. Payo ng ahensya, upang magkaroon ng bagong lasa at kulay ang kanin, dapat itong haluan ng iba pang pinagkukunan ng carbohydrates para mas magiging masarap ang kanin at nadaragdagan pa ang sustansya nito. Ang adlai ay mayaman sa protina, fiber, at mahahalagang mineral para sa digestion at blood sugar control. Ang mais naman ay sagana sa antioxidants, fiber, at vitamins B at E, habang ang saging na saba ay nagbibigay ng vitamin B6 at potassium para sa enerhiya at kalusugan ng puso.
Ang mga rice mix ay magandang alternatibo rin para sa mga bata, dahil mas makulay, mas malasa, at mas nakakaengganyo itong kainin kaysa sa karaniwang puting kanin.
Ang adbokasiya ng DA na magtulak ng mas malusog at mas sustinableng bigas ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na labanan ang malnutrisyon at palaganapin ang responsableng pagkain.
Sa bawat desisyong pumili ng brown rice o rice mix, hindi lang sariling kalusugan ang napapabuti ng Filipino kundi pati ang kabuhayan ng mga magsasaka at ang kaligtasan ng kalikasan.






