BINATIKOS ng National Basketball Players Association (NBPA) ang Milwaukee Bucks kaugnay ng plano nitong ipahinga si Giannis Antetokounmpo sa natitirang bahagi ng season.
Ayon sa NBPA, tila “tanking” ang hakbang ng koponan, na maaaring makasira sa integridad ng NBA.
Iginiit ng unyon na dapat maglaro ang isang All-Star kung siya ay malusog at handa.
Nauna nang lumabas sa ulat na tumanggi si Antetokounmpo sa kahilingan ng Bucks na hindi na siya maglaro.
Naniniwala umano ang two-time MVP na kaya pa niyang bumalik sa court nang walang panganib.
Gayunman, inihayag ng Bucks na may iniindang injury sa tuhod ang manlalaro matapos ang laro laban sa Indiana Pacers noong Marso 15.
Sa kasalukuyan, nasa ika-11 puwesto ang Milwaukee sa Eastern Conference na may 29-42 record, dahilan upang lumiit ang tsansa nitong makapasok sa playoffs.
Ayon kay head coach Doc Rivers, patuloy nilang tinitimbang kung mas makabubuti bang isabak pa sa laro si Antetokounmpo o ipahinga upang maiwasan ang mas malalang injury.GP