Home NATIONWIDE Budget deliberation sa Kamara tuloy pa rin; empleyadong babahain excused muna

Budget deliberation sa Kamara tuloy pa rin; empleyadong babahain excused muna

MANILA, Philippines – Tuloy pa rin ang deliberasyon para sa 2025 budget sa Kamara nitong Lunes, Setyembre 2 sa kabila ng masamang panahon at suspension ng pasok sa pamahalaan at mga paaralan dahil sa matinding ulan at pagbaha na dulot ng bagyong Enteng.

Sa kabila nito, siniguro naman ni House Secretary General Reginald Velasco sa mga staffer at empleyado na maaapektuhan ng baha na sila ay papayagang hindi magreport ‘physically’ sa naturang deliberasyon.

“We are monitoring the weather disturbance but we will allow HRep staff and employees, who are unable to report for work due to flooding, to be excused from work today,” ani Velasco.

Nitong Lunes ng umaga, inanunsyo ng Malacañang sa pamamagitan ng Presidential Communications Office (PCO) na suspendido ang pasok sa lahat ng antas sa paaralan sa Metro Manila dahil sa Tropical Storm Enteng.

Kalaunan ay inanunsyo rin ng Office of the Executive Secretary na suspendido na rin pasok sa mga government office.

Kasalukuyang dinidinig ngayon ng House committee on appropriations ang 2025 National Expenditures Program kung saan ipipresenta ng DepEd ang kanilang proposed budget.

Dumalo si Education Secretary Sonny Angara para idepensa ang badyet ng DepEd na P793.1 bilyon o mas mataas sa P762.0 bilyon na ibinigay ngayong 2024, at P699.6 bilyon noong 2023. RNT/JGC