MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na inaasahang ilalabas ang one-time fuel assistance, naglalayong tumulong sa public transport drivers at operators sa gitna ng taas-presyo sa produktong petrolyo, ngayong linggo.
Inihayag ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na naisumite na ng Department of Transportation (DOTr) ang joint memorandum circular (JMC) para sa bagong round ng fuel subsidies para sa public utility vehicles (PUVs).
Magugunitang sinabi ng DBM na ipamamahagi lamang ang fuel subsidies kapag naisumite na ang bagong JMC na naglalaman ng alituntinin para sa programa.
“The joint circular is complete,” mensahe ni Pangandaman nang tanungin ukol sa estado ng JMC.
Ang signatories ng JMC, na tinukoy sa Special Provision No. 7 ng 2023 General Appropriations Act (GAA), ay ang DOTr, Department of Energy, at DBM.
Gayuman, sinabi ni Pangandaman na mayroon pang mga dokumentong hinihintay na maisumite ng DOTr. Subalit, tiniyak niya na ang budget para sa fuel subsidy program “should be out this week.”
Naantala ang distribusyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng fuel subsidies noong nakaraang buwan dahil sa requirements bagong JMC.
Iginiit ng DBM na kinakailangan ang mga dokumento “to set the process for the identification and validation of beneficiaries for 2023.”
Noong 2022, inilabas ng DOTr ang JMC na naglalaman ng alituntinin para sa P2.5 bilyonf fuel assistance para sa tinatayang 300,000 benepisyaryo.
“The previous guidelines in FY 2022 refer specifically to the release and implementation of the fuel subsidy as reflected in the FY 2022 GAA,” anang DBM.
Tinatayang P3 bilyon ang inilaan para sa pinakabagong fuel subsidy program, na ipamamahagi sa pamamagitan ng cash cards na magagamit sa piling gasoline stations.
Makatatanggap kada modern jeepney at UV Express unit ng P10,000, habang bibigyan ang traditional jeepney drivers ng P6,500.
Makakukuha naman ang motorcycle taxis at delivery service riders ng P1,200 sa pamamagitan ng e-wallet distribution system.
Samantala, bibigyan ang tricycle drivers ng tig-P1,000 sa pamamagitan ng local government unit kung saan sila rehistrado.
Ngayong linggo, nakatakdang tumaas ang presyo ng diesel at kerosene ng halos P1 sa ika-siyam na sunod na linggo, habang madaragdagan ang presyo ng gasolina para sa ika-8 sunod na linggo. RNT/SA