Home NATIONWIDE Panawagan ni Tolentino na price control, inaksyunan ng DTI

Panawagan ni Tolentino na price control, inaksyunan ng DTI

MANILA, Philippines – AGAD inaksyunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panawagan ni Sen. Francis “Tol” Tolentino na kontrolin ang mga presyo ng pangunahing bilihin sa harap ng matinding dry spell, kinumpirma kahapon ni DTI Assistant Secretary Amanda Marie Nograles.

“With the positive response of the DTI to our suggestion to impose price control because of El Niño, the prices of certain commodities will be controlled even without the government declaration of a state of calamity,” sabi ni Tolentino.

Ipinaalam ni Nograles kay Tolentino na agad na nagpatawag ng pulong ang DTI para tingnan ang nasabing panukala ng senador sa pamamagitan ng pag-freeze sa halaga ng ilang bilihin at inanyayahan ang mga manufacturer para makuha ang kanilang tugon.

“Yan po ang napag-usapan namin kung pwedeng magkaroon ng parang voluntary price freeze ang mga manufacturers bilang isang form ng bayanihan dahil meron tayong pinagdaraanan na El Niño, at saka ito nga na inflation natin,” ani Nograles.

Nagpasalamat si Nograles kay Sen. Tolentino sa pagmumungkahi ng price freeze sa ilang bilihin dahil ramdam na ramdam ng mga mamimili ang bigat ng El Niño phenomenon habang hindi nagdedeklara ng state of calamity ang gobyerno.

Ibinunyag ng DTI executive na tatlong manufacturer ng bottled water, canned goods, at frozen milk ang nakipag-commit na sa voluntary price freeze sa kanilang mga produkto.

Sinabi niya na inaasahan nilang mas maraming manufacturer ang boluntaryong magpapataw ng price freeze sa kanilang mga produkto at isasapubliko nila ang buong listahan sa susunod na linggo. RNT