Home NATIONWIDE Budget sa pagbili MRT beep cards pinadaragdagan ng solon

Budget sa pagbili MRT beep cards pinadaragdagan ng solon

MANILA, Philippines – Hiniling ni OFW Partylist Rep Marissa Magsino sa Kongreso na taasan ang budget na pambili ng beep cards ng Department of Transportation (DoTr) upang agad na matugunan ang shortage nito.

Ang aksyon ay ginawa ni Magsino sa naging pagtalakay ng House Committee on Appropriations sa 2025 budget proposal ng DoTr.

Sa kanyang interpelasyon, inusisa ni Magsino ang natitirang bayarin ng DOTR sa MRT-3 kaugnay ng pagtatapos ng “Build-Lease-and-Transfer” (BLT) agreement sa July 2025 at ang isyu ng kakulangan sa supply ng Stored Value Cards (SVCs) o Beep cards na nagdudulot ng abala sa mga mananakay.

“Bakit nagkakaroon ng shortage ng supply ng SVCs? May historical data ba at hindi ba napro-project naman ang increase sa demand ng SVCs batay na rin sa volume ng ridership ng MRT3?” ani Magsino.

Ipinaliwanag naman ni Assistant Secretary Jorjette Aquino na namumuno sa MRT-3 na may kakulangan sa beep cards dahil walang sapat na pondo para rito.

Aniya, noong 2018 ay mayroong budget para sa 450,000 cards subalit bumaba ang allocation noong 2023-2024 at sapat na lamang ito sa 200,000 cards.

Aminado si Aquino na hindi kayang punuan ng supply ng SVCs ang demand ng mananakay lalo at nasa average na bilang ng mga pasahero ng MRT-3 araw-araw ay umaabot sa 450,000.

Bilang tugon sa problemang, iminungkahi ni Magsino na taasan ang pondo ng ahensya para sa susunod na taon.

“Kung kulang po ang budget upang masiguro ang steady supply ng SVCs, ako po ay nananawagan na dagdagan po ito para sa procurement ng SVCs. Priority ito dahil para ito sa kapakinabangan ng mga pasahero ng MRT-3 na maraming mga pangkaraniwang mamamayan ang umaasa sa public transport na ito” ani Magsino. Gail Mendoza